Ina ni Albie Casiño, humingi ng dispensa sa modelong dinawit sa pambubugbog sa anak
Humingi ng paumanhin si Rina Casiño, ina ng young actor na si Albie Casiño, sa pagdawit nito sa modelong si Carlos Concepcion sa nangyaring pambubugbog sa kanyang anak nitong Sabado ng madaling araw sa isang bar sa Makati. “I wish to make a public statement and apology to Carlos Concepcion and his family for mentioning and accusing him as one of those who assaulted my son. Carlos Concepcion was at his home during the incident,” pahayag ni Rina. Sinabi ni Gng. Casiño na ibang Concepcion ang kasama sa apat na sangkot sa pambubugbog sa kanyang anak. Ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa Saksi ng GMA News, sinisisi ni Rina ang apat na kaibigan ni Andi Eigenmann, ang dating kasintahan ni Albie, sa mga natamong sugat at pasa ng kanyang anak dahil sa nangyaring pambubugbog. Naganap ang insidente sa parking lot ng Fiamma Bar sa Makati kung saan nabalitang nagkita ang dating magkasintahan. Gayundin, sasampahan pa rin daw ng reklamo sina Jec Lacson, Frank Magalona, at Neil Arce, ayon sa pamilya ni Casiño. Tinukoy ni Rina sina Jec Lacson at Neil Arce na mga nambugbog sa kanyang anak. Dagdag pa niya, “Tapos yung si Frank Magalona… Very damaging kasi iyong sinabi niya, eh. May sinabi kasi siya sa witness.” Ngunit itinanggi naman ni Frank Magalona ang pagkakadawit sa gulo. Ayon sa kanyang tweet noong Mayo 5: "I was not involved in that incident. I was @ Fiamma last night for my friend Anika Gonzales' birthday. I was not with Andi Eigenmann at all ... I never even saw Albie Casino last night..." Ayon naman sa negosyanteng si Neil Arce, pinayuhan siya ng kanyang abogado na huwag magkumento sa isyu. "We will be answering all questions and charges at the proper forum and time,” pahayag ni Neil. Panig ni Andi “I admit that out of impulse, I threw wine on his face, and the next thing I heard was he was being beaten up outside," pahayag naman ni Andi tunkol sa nangyari. Ayon sa ulat ni Rose Garcia ng Philippine Entertainment Portal, sinabi ni Andi na minura ni Albie ang aktres kaya’t sinabuyan niya ng alak ang aktor. Ginawa raw niya ito dahil naawa siya sa kanyang sarili at dahil ayaw na nitong tinatapak-tapakan at inaapi siya. Nagkita ang dalawa sa Fiamma Bar sa Makati noong Sabado ng madaling araw dahil dumalo si Andi sa birthday party ng kanyang kaibigan. Ito rin ang araw at lugar kung saan napabalitang binugbog ang aktor ng mga kaibigan ni Andi. Ayaw magkumento ni Andi tungkol sa nangyaring pambubugbog dahil hindi naman daw siya sangkot dito. Nasa loob umano siya ng naturang bar noong nangyari ang gulo. Jacklyn Jose: ‘I am not alcoholic' “I am not alcoholic, been working in this business for a long time. Kung alcoholic ako, wala sana akong trabaho. Alam ng industry ang record ko, how professional I am, and hindi ko kailanman binubugbog anak ko. At lalong di ko pinalaking sinungaling ang mga anak ko,” pahayag naman ni Jacklyn Jose, ina ni Andi, sa mga batikos tungkol sa kanya. Ipinagtanggol din ni Andi ang kanyang ina, gamit ang kanyang Twitter account, sa mga akusasyon ng ina ni Albie ukol sa di-umano’y pagbubugbog sa kanya ng inang si Jacklyn. "I know it doesn't matter, because it's up to the viewers to decide. But for the record, my mom never hurt me. NEVER," ayon kay Andi. - Mac Macapendeg/YA, GMA News