ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jose Manalo, handang tanggapin ang magiging desisyon sa kanyang kaso


Ipinauubaya na lang umano ng television host at comedian na si Jose Manalo sa kanyang mga abogado ang kinakaharap niyang reklamo na isinampa ng kanyang misis na si Anna Lyn. Sa ulat ng showbiz talk show na Startalk TX nitong Sabado, sinabing hindi na dumating si Anna Lyn nang magsumite si Jose ng kanyang rejoinder affidavit sa San Juan Prosecutors Office nitong Miyerkules. Ito ay kaugnay sa reklamong inihain ni Anna Lyn laban kay Jose na lumabag umano sa batas tungkol sa anti-violence against woman and children. Ayon kay Atty. Michael Dauz, abogado ni Anna Lyn, hindi na sumipot ang kanyang kliyente sa naturang pagdinig dahil mayroon na itong naunang lakad na natanguan. Inaasahan na rin umano ng kampo ni Anna Lyn na magpapalabas ng desisyon ang piskalya sa kaso ni Jose sa loob ng 90-araw. Kumpiyansa si Dauz na pormal na maisasampa sa korte ang kaso laban kay Jose. Tanggap naman daw ni Jose ang magiging resolusyon ng piskalya sa kaso at ipinauubaya na niya sa kanyang mga abogado ang lahat. Sa kabila nito, iginiit ni Jose na maayos at wala siyang problema sa kanyang mga anak kay Anna Lyn. Katunayan ay nagkita pa umano sila ng isa niyang anak. Bagay na pinabulaanan naman ni Atty. Dauz at iginiit na wala silang natatanggap na impormasyon na nakikipag-ugnayan si Jose sa kanyang anak. Ayon kay Dauz, kung tutuusin ay gusto raw ng kanyang kliyente na makipag-ugnayan si Jose sa kanilang mga anak. Kabilang sa mga reklamo ni Anna Lyn kay Jose ay pinabayaan umano ng Eat Bulaga host ang kanilang mga anak mula nang maghiwalay sila. Samantala, may matinding aral naman daw na natutunan si Jose sa kinakaharap na sitwasyon. “As a dad kailangan siyempre ang mga anak mo, at ‘wag kang masyadong magtiwala sa tao," pahayag niya. - FRJImenez, GMA News

Tags: josemanalo