Nakikiramay, bumuhos sa pumanaw na dating konsehal at showbiz columnist na si Justo Justo
Bumuhos ang nakikidalamhati sa pagpanaw ng batikong showbiz columnist at dating konsehal ng Pasay City na si Justo “JJ" Justo. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ng mga anak ni JJ na may isang taon ding naging bedridden ang kanilang ama dahil sa sakit na diabetes at iba pang komplikasyon. Sa kabila ng kanyang kondisyon, hindi raw nila nakitang naging malungkot ang kanilang ama. Si JJ ay pumanaw nitong Biyernes sa edad na 71. Itinuturing ng mga showbiz journalist na icon si JJ dahil sa husay nito sa pagsusulat at paggamit ng mga gay lingo. Naging manager din ng ilang artista si JJ at nagsulong ng kanlungan para sa mga nakatatandang bakla at tomboy na tinawag na Home for the Golden Gays. Kilala rin siyang tagapagtaguyod sa karapatan at kagalingan ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit na Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS). -- FRJ, GMA News