Agot Isidro, masaya sa pagiging foster mom
Ang pagiging foster mom ng isang 18-month-old baby ang isa sa mga masayang ibinalita ng bagong Kapuso actress na si Agot Isidro. Sa showbiz talk show na Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Agot na ibang klase at nakakabuhay ang tawa ng bata. Matagal na rin kasing hangad ni Agot na magkaroon ng anak. “Never nagkabata sa bahay, panay aso… pero yung the sound of a kid laughter ganun parang nakakabuhay," ayon sa singer-actress na kasama sa sa bagong GMA soap na One True Love. Dahil sumailalim muna sa pagsasanay bago pinayagang maging foster mom, batid daw ni Agot kung ano ang kanyang pinasukan sa pag-aalaga ng bata. "Alam ko ang pinapasukan ko, sinabi naman sa akin na, 'Foster lang ‘yan, hindi adoption," kwento niya. “Sinabi sa akin, if you opt to adopt, depende pa rin yun hindi dahil sa gusto mo. Kasi may mga ganun silang legalities, hindi agad-agad na ibibigay sa ‘yo," dagdag pa niya. -- FRJ, GMA News