ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hollywood film nina Fil-Am actor Rob Schneider at Manny Pacquiao, tuloy na tuloy na


Sisimulan na sa susunod na buwan ang shooting ng Hollywood film na pagbibidahan ng Filipino-American actor na si Rob Schneider, kung saan makakasama rin ang Pinoy boxing icon na si Manny Pacquiao. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi nito na nasa pre-production stage na ang pelikulang may titulong “Brass Knuckles." Plano umanong simulan ang shooting ng pelikula sa Hulyo, at target itong ipalabas sa mga sinehan sa susunod na taon. Sa hiwalay na panayam ng Unang Hirit kay Pacquiao nitong Lunes, kinumpirma ng Pambansang Kamao ang gagawin niyang pelikula sa US. “Pagbalik ko sa LA [Los Angeles], magshu-shooting ako ng movie," pahayag ni Pacquiao, kongresista rin ng Sarangani. Sa panayam din ng GMA News sa American actor/producer na si Damian Perkins, masaya nitong ikinuwento ang pagkikipag-usap nila kay Pacquiao. “We had a wonderful meeting. We brought Rob down to the gym, actually, and had a great conversation with Freddie Roach," ayon kay Perkins. Dagdag naman ng director/producer na si Erick Geisler: “The great thing about the movie is that, it is very much center around boxing. So, it is underground fighting comedy-action." Bukod sa kasikatan sa larangan ng boxing, pinuri ng dalawang dayuhan ang kabaitan ni Pacquiao. “He’s also one of the most generously sweet people that you will ever meet. It was great and he was like, ‘I like that idea’ and talks to people and see if we can work something out and here we are," ayon pa kay Damian. - Mac Macapandeg/ FRJ, GMA News