ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang kasal na pinangarap ng Comedy King na si Dolphy


Sa showbiz, sinasabing babaero ang mga komikero. At sa karanasan ng tinaguriang King of Comedy ng Philippine showbiz na si Dolphy, nagkaroon lang naman siya ng 18 anak sa anim na babae. Sa isang panayam kay Bibeth Orteza, direktor at nagsulat ng libro tungkol sa buhay ni Dolphy, sinabi umano sa kanya ng beteranong aktor na mabibilang lang sa daliri sa kamay ang mga babaeng kanyang tunay na minahal. Biro pa raw ni Dolphy, ibang usapan kapag isasama ang lahat ng babaeng nakasama niya sa buhay dahil masisira raw ang abacus ng Chinese sa dami. Ngunit sa kabila ng kanyang pagiging palabiro, seryoso ang komedyante kapag natatanong tungkol sa matagal na niyang hangarin na pakasalan ang huling babae sa puso niya – ang singer-actress na si Zsa Zsa Padilla. Sa isang panayam noon kay Dolphy sa showbiz talk show na Startalk, inilahad niya ang kanyang “frustration" na hindi matuloy-tuloy ang kasal nila Zsa Zsa na may 20 taon na niyang karelasyon. "Nakakahiya nga dahil pagtingin sa passport, siyempre nakalagay dun, single ka pa, ‘di ba?" pahayag ni Dolphy sa panayam ng Startalk ng GMA7 noong 2009. "Labingwalo anak mo, pero single ka pa rin," dagdag niya. Hindi kaagad sila nakapagpakasal ni Zsa Zsa dahil hinintay pa nila na mapawalang-bisa ng korte sa kasal ng singer-actress sa una nitong asawa. Kahit hinihintay ang desisyon ng korte, dalawang beses silang nagtakda ng kanilang kasal (2004 at 2007), na kapwa hindi natuloy. At kung kailan dumating ang pinakahihintay nilang desisyon ng korte noong Mayo 2011 na napawalang bisa ang naunang kasal ni Zsa Zsa, saka naman sila nagkaroon ng pag-aalinlangan na magpakasal. Sa panayam ng showbiz press kay Zsa Zsa noong Pebrero 2012, inihayag niya na nagdesisyon sila ni Dolphy na hindi na lang magpakasal. "Hindi na namin pinag-uusapan yung kasal. Kasi magulo yun, magulo lang! Huwag na lang," aniya. Ayon kay Zsa Zsa, nang lumabas ang balita na napawalang-bisa ang kanyang kasal sa dati niyang asawa, nakatanggap siya ng ilang mga pambabatikos. "Pero para sa akin, nung unang lumabas na libre na akong magpakasal, ang daming negative things na lumabas about me," dagdag niya. "Sa tagal ng pagsasama namin, kung mauwi man sa kasal ay mabibigyan pa rin ng malisya na pera lang ang habol ko. So I wanted to disprove that," ayon sa singer-actress. Nagkaroon din umano ng problema sa panig ni Dolphy kaya napagpasyahan na lamang nilang huwag nang ituloy ang kasal. "Kaya lang, kasi nga, malaki rin yung pamilya niya at may mga complication na nangyayari. So we found it best na huwag na lang," aniya. Sa kabila nito, sinabi ni Zsa Zsa na walang magbabago at mananatiling nasa tabi siya ni Dolphy at susuporta ng “100 percent." "And ganun din naman siya. Emotionally, ibinigay niya yung best niya, so wala na akong dapat hilingin pa," ayon kay Zsa Zsa. Taong 1989 nang napaibig ni Dolphy si Zsa Zsa at mula noon ay nagsama na ang dalawa. Ang pagpasok ni Zsa Zsa sa buhay ni Dolphy ay naging hudyat ng pagwawakas naman ng pag-iibigan ng beteranong aktor at ni Alma Moreno, na ina ni Vandolph. Sa isang panayam ng showbiz columnist at Startalk host na si Ricky Lo kay Dolphy noong 2009, inamin ng Comedy King na kasama sa kanyang regret sa buhay ang hindi sila makasal ni Zsa Zsa. Ang anim na babaeng minahal ni Dolphy ay sina Grace Dominguez (may anim silang anak; Gloria Smith (apat na anak); Baby Smith (apat na anak); Vangie Tagulao (isang anak); Alma Moreno (isang anak); at si Zsa Zsa Padila (dalawa ang anak). - Mandy Fernandez/FRJimenez, GMA News