ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bago pa man pumanaw: Dolphy, gustong-gusto nang umuwi


Gustung-gusto na umano ng Comedy King na si Dolphy na umuwi matapos na abutin na siya ng isang buwan sa Makati Medical Center kung saan siya binawian ng buhay nitong Martes ng gabi. Sa ipinalabas na pahayag ng MMC nitong Martes, sinabing multiple organ failure ang sanhi ng pagpanaw ng beteranong aktor dulot na rin ng mga komplikasyon nito. Mula nang dalhin sa MMC noong Hunyo 9, dinala sa Intensive Care Unit si Dolphy dahil sa hirap umano itong huminga. Mayroong chronic obstructive pulmonary disease o COPD o sakit sa baga ang aktor. Ilang ulit siyang sumailalim sa dialysis at blood transfusion habang nakaratay sa ospital para tulungang gumana ng maayos ang kanyang bato. Binutasan na rin ang kanyang leeg para lagyan ng tube na tutulong sa kanyang paghinga. Sa nakaraang mga araw, critical but stable ang sinasabing kondisyon ni Dolphy dahil na rin sa pabalik-balik na pulmonya nito. Noong nakaraang linggo, inihayag ni Eric Quizon, anak ni Dolphy, na umaasa silang tuluyang gagaling ang kanyang ama para maipagdiwang nila ang ika-84 kaarawan nito sa July 25. Umasa rin silang maaalis na sa ICU si Dolphy at maililipat sa regular na kuwarto. Sa ulat ng News To Go nitong Lunes, sinabing sa pamamagitan ng text message, ipinaalam ni Eric, na gustong-gusto na ng kanyang ama na umuwi. Panay daw ang tango ng hari ng komedya kapag tinatanong kung nais na nitong umuwi. Sa isa pang ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi ng isa pang anak ni Dolphy na si Epy Quizon, na nakikita nila sa buka ng bibig ng kanilang ama ang kagustuhan nitong umuwi na. “Makikita mo kasi sa bukas ng bibig niya uwi, malinaw basahin yung uwi," ayon kay Epy. Dakong 8:35 p.m. nang pumanaw ang hari ng komedya. – FRJimenez, GMA News