ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ex-comedienne Whitney Tyson, humihingi ng tulong


Malayo sa kanyang dating trabaho na nagpapasaya ng mga tao, isang seryoso at nagmamalasakit na Whitney Tyson ang nanawagan ng tulong, hindi lang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa kanyang mga kapitbahay. Sa Showbiz Central nitong nakaraang linggo, ipinakita ang isang nagpupuyos na Whitney para ipanawagan sa pamahalaan ang kapakanan nilang nakatira sa ilalim ng Nagtahan Bridge sa Maynila, at mga nasunugan niyang kapitbahay sa Sampaloc district noong nakaraang linggo. Binalikan ni showbiz reporter Nelson Canlas si Whitney para makapanayam, at sa pagkakataong ito ay mahinahon na ang dating komedyante pero emosyunal pa rin. “Kaya lang naman ako nag-iingay saka nagwawala kasi yung iba talaga, walang mapupuntahan," naiiyak na pahayag ni Whitney sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes. Bagaman hindi kasamang nasunog ang bahay ni Whitney, kabilang naman ang kanyang bahay sa mga bigla na lamang daw inalisan ng kuryente. Ipinagtataka niya kung bakit sila inalisan ng kuryente gayung regular naman daw ang pagbabayad nila. Ang mga nasunugan, kung saan-saan na lang daw natutulog dahil walang masilungan. Bagaman mayroon daw pangakong tulong ang gobyerno sa kanila, umaasa siyang hindi daw sana iyon mapako. Handa raw silang iwan ang lugar – nasunugan man o hindi – basta mayroon relokasyon na maibibigay sa kanila at matutugunan ang kanilang pangangailangan. At kahit sa ilalim ng tulay siya nakatira ngayon, sinabi ni Whitney na masaya naman daw siya at pilit niyang iniaahon ang kanyang buhay. -- FRJ, GMA News