ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga artistang sumabak sa pulitika, ipinagtanggol ni Aga Muhlach


Matapos na opisyal na umanib sa Liberal Party (LP) ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Biyernes, ipinagtanggol ni Aga Muhlach ang mga kapwa celebrities na pumapasok sa pulitika. Kasama ng iba pang lokal na opisyal, nanumpa si Aga sa LP sa harap ng presidente ng partido na si Transportation Secretary Mar Roxas. Ito ang unang partidong sinamahan ng aktor na planong tumakbong kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur. Sa panayam ng media matapos ang kanyang oath-taking, sinabi ni Aga na siya mismo ang lumapit sa LP at wala siyang ibang partido na ikinunsidera na samahan sa 2013 elections. “Ako ang kumatok sa kanila (LP) dahil naniniwala ako… wala akong kinausap na ibang partido, Liberal lang… dahil naniniwala ako sa presidente (Aquino) natin," pahayag ni Aga. Tinawag niyang “pagbabalik" sa publiko ang desisyon niyang pasukin ang pulitika. Panahon na umano para kumilos siya upang makatulong sa mga tao.

“Half of my life, I've been doing movies. Maraming blessings sa akin. Sabi ko, the next half of my life, I want to pay it forward. You want to give it back to the Filipino people," paliwanag niya. “Kasi nakaupo lang ako, nasa gilid, nakatingin lang ako; na parang naaawa ka sa bansa mo, so siguro ngayon gagalaw ako. Sabi ko nga kung aabot sa pagiging presidente ‘yon, kung gagawin mo hanggang dulo bahala na," dagdag niya. Tubong Goa, isang first class municipality sa CamSur ang pamilya ng ama ni Aga na si Cheng Muhlach. May karapatan ang mga artista Si Aga ang bagong dagdag sa humahabang listahan ng mga artista na pumapalaot sa pulitika. Sa isinagawang research ng GMA News, sinabing umabot sa 110 ang mga taga-media at celebrities ang tumakbo sa nakaraang 2010 elections. Sa naturang bilang, 27 percent lang ang nanalo sa national positions, habang mas mataas ang nanalo sa local positions na may 48 percent. Ayon kay Aga, hindi dapat hamakin ang mga celebrities na sumasabak sa pulitika. “It’s unfair na ihiwalay natin ang mga artista na parang walang kwenta ang artista. Ang mga nagsasabi naman n’yan yung mga kalaban na pulitiko," ayon kay Aga. “Para mong hinusgahan ang sambayanan na parang wala kayong karapatan lahat. Kasi tao lang tayo pare-pareho. Para mong sinabi na mangingisda ka lang, wala kang karapatan; magsasaka ka lang, wala kang karapatan," paliwanag pa niya. Kahit pumasok sa pulitika, mananatili pa rin umano si Aga sa industriya ng showbiz dahil ito ang kanyang kabuhayan. "Ang industriya ng pelikulang Pilipino ang nagbigay sa akin ng pagkain sa lamesa. ‘Yan ang hanap-buhay ko. Hindi ko 'yan pwedeng iwanan," aniya. “Ang pulitika, hindi ko ‘yan paghahanap-buhayan. Bawal ‘yan. Kaya I'm just here to serve them," garantiya ng aktor. Sa kanyang pag-anib sa LP, nagbigay naman ng suporta kay Aga ang kanyang misis na si Charlene Gonzales, at mga kabigan na sina director Joyce Bernal, at mga aktor na sina Cesar Montano at Bayani Agbayani. Ayon kay Charlene, masusi nilang pinag-usapan ang plano ni Aga na pasukin ang pulitika at nanaig umano ang kagustuhan ng asawa na magsilbi sa mga tao. Aminado si Aga na marami ang nagbigay sa kanya ng babala na marumi ang pulitika. “Maraming nagsasabi sa akin na magulo diyan. Pero naisip ko din, marumi lang ang pulitika kapag marumi ang tao. Magulo ito kung makikigulo ka," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News