ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hosts ng Eat Bulaga! Pilipinas at Indonesia, nagsama-sama; Vic at Uya Kuya, nagkita na


Naging doble ang kasiyahan at kulitan sa Eat Bulaga! nang magsama-sama ang mga pangunahing host ng EB-Pilipinas at EB-Indonesia nitong Sabado. Bukod dito, nagbigay din ng tulong ang EB-Indonesia para sa mga biktima ng kalamidad sa bansa. Sa huling bahagi ng EB-Pilipinas nitong Sabado, nagsama-sama sina Sen. Tito Sotto, Joey De Leon at Vic Sotto, at ang “bossing" ng EB-Indonesia na si Uya Kuya at si Rian Ibram.

Sen Tito Sotto, Rian Ibram, Joey De Leon, Uya Kuya at Vic Sotto. Photo from Eat Bulaga Facebook fan page.
Masayang ibinalita nina Uya Kuya at Rian na nag-number one na kaagad sa kanilang time slot ang EB-Indonesia. Matatandaan na nito lamang Hulyo 16 nagsimulang umere sa Indonesia ang franchise ng Eat Bulaga. Sa pagbisita nina Uya Kuya at Rian sa EB-Pilipinas, dala rin nila ang mga kahon na naglalaman ng mga gamit na ipamamahagi sa mga naging biktima ng pagbaha at pag-ulan sa Pilipinas. Sinabi nila na may isasagawa rin silang fund raising drive sa EB-Indonesia para mangalap pa ng tulong sa mga naging biktima ng kalamidad. Sa unang pagkakataon, nagkaharap dina sina Bossing Vic at si Uya Kuya na itinuturing “Bossing" naman ng EB-Indonesia. Ipinamalas din ni Uya Kuya ang kanyang talento na wala si Vic Sotto – ang magic trick. Sa isang bahagi ng magic trick kung saan nagpahalik si Uya Kuya kina Julia Clarete at Pauleen Luna, umapaw ang tawanan sa studio nang humirit si Vic ng paalala kay Uya Kuya na, “ang kay Pedro ay kay Pedro" – na tila pagtukoy kay Pauleen na romantikong nali-link kay Bossing Vic. Bukod sa mga magic trick, naki-jamming at kulitan din sina Uya Kuya at Rian sa pag-awit ng “Dahil Sa’yo" at translation ng Pinoy song na “Bahay-Kubo" para sa ‘Bahasa’ na sa wika sa Indonesia. Sa ginawang translation, nabigyan ng kaalaman ang mga manonood kung ano sa wikang Bahasa ang mga gulay at halaman na binanggit sa kantang "Bahay-Kubo." Sa huli, umaasa ang mga host ng EB-Indonesia na ang mga host naman ng EB-Pilipinas ang susunod na makikipagkulitan sa kanila sa Indonesia. -- FRJimenez, GMA News
Tags: eatbulaga