ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pamilya Quizon, humiling ng panalangin para sa paggaling ni Zsa Zsa Padilla


Nananawagan ang pamilya Quizon na ibigay sa 48-anyos Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla ang panalangin ng mga taong dati'y ipinamalas sa kanilang yumaong ama na si Dolphy.
 
Noong Linggo, napabalita ang pagkakaroon ng stage 1 kidney cancer ni Zsa Zsa. 
 
Gayunman, matagal nang alam ng pamilya Quizon ang malaking cyst ni Zsa Zsa ngunit noong Linggo lang ng gabi lamang nila nabalitaan ang tungkol sa cancer diagnosis nito ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa Balitanghali nitong Lunes.
 
Ayon kay Epy, "We are praying... the [Quizon] family is behind her through this trial [that] she's facing right now. Of course, we are behind her and I will offer a prayer later, sa awarding, for her recovery."
 
Ang awarding ay tungkol sa ika-apat na taon ng Pidol Golf Cup ng Dolphy Foundation na may layuning magpa-aral ng mga biktima at mga nasalanta ng bagyo dulot ng habagat kamakailan.
 
Wika pa ni Epy, "So this time, we have raised the bar to 20 scholars. Puro mga livelihood programs that guarantees work."
 
 
Detalye sa kondisyon ni Zsa Zsa
 
Maliban sa pamilya Quizon, ibinahagi naman ni Kris Aquino nitong Lunes sa kanyang morning talk show ang "long text message exchange" nila ng Divine Diva ayon sa ulat ni Joyce Jimenez ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph). Unang ipinahayag ng talkshow host sa kanyang opisyal na Twitter account ang tungkol sa pag-uusap nila ni Zsa Zsa.
 
Ito ay tungkol sa detalye ng pagsusuri ukol sa kondisyon ng Divine Diva.
 
Sa naturang text message, sasailalim si Zsa Zsa sa laparoscopic surgery, isang specialized technique for performing surgery, ng dalawang araw sa Cedars-Sinai Medical Center. 
Si Dr. Larry Froch ang doktor ng Divine Diva, isang nephrology/internal medicine specialist ng naturang medical center sa Los Angeles, California. 
 
Gayundin, lubos ang tiwala nito kay Dr. Froch dahil inoperhan na nito noong dekada 90 si Dolphy.
 
Samantala, hindi na raw nitong kailangan pang sumailalim sa iba pang treatment tulad ng chemo therapy at radiation dahil stage one pa lamang ang kanyang cancer.
 
Sa parehong ulat, nagbigay din ng mensahe si Zsa Zsa sa kanyang mga taga-hanga at mga taong nag-alala sa kanyang kaligtasan. 
 
“I’m happy people are praying for me, I really need it. When I get home, I no longer want to say that I have cancer. After surgery, I want to be able to say, ‘I am a cancer survivor.' Thanks for being strong for me,” pahayag nito.
 
Isasagawa ang naturang operasyon ngayong Agosto 27, oras sa Estados Unidos. 
 
Sa mga naunang balita, tumungong Estados Unidos si Zsa Zsa noong Agosto 11 kasama sina Dra. Vicki Belo at ang anak nitong si Zia Quizon. Tumungo silang US upang i-promote ang bagong produkto ng Belo Clinic na Zein Obagi.
 
Kasabay na rin nang kanilang pagpunta ang pagpapatingin ng mang-aawit sa Cedars-Sinai Hospital na pinondohan ni Dra. Vicki. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News