May malubhang sakit na si Sammy Lagmay, nais maalala ng publiko katulad ni Dolphy
“May ngiti sa labi kapag nabanggit ang pangalan." Ganito nais ng komedyanteng si Sammy Lagmay na maalala siya ng publiko kapag nilisan na niya ang mundo katulad ng hangad noon ng Comedy King na si Dolphy. Sa ulat ng Startalk TX nitong Sabado, sinabi umano ng duktor ni Sammy na nasa end stage na ang sakit sa kidney ng komedyante. Dalawang beses isang linggo siya isinasailalim sa dialysis. Bukod dito, lumabo na rin ang paningin ng 54-anyos na si Sammy dahil sa diabetes. Madali na rin umano siyang hingalin kaya hindi na siya makabalik sa trabaho. Nakausap ng Startalk si Sammy nitong Biyernes nang magpa-dialysis sa Quezon City General Hospital. Aniya, tanggap na niya ang kanyang kalagayan. “Tanggap ko na rin pero minsan ‘pag nahihirapan ka nagwi-wish ka na lang na sana mamamatay ka na lang," pagtatapat ng komedyante. Nagagawa ni Sammy na tustusan ang kanyang pagpapagamot dahil sa tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at mga dating nakasama sa industriya na bumuhos ang tulong nang manawagan siya noong Hunyo. Hindi nga raw niya akalain ang pagdating ng maraming tulong kaya naman labis-labis ang kanyang pasasalamat sa mga nagbigay sa kanya ng suporta. Pero dahil alam din niya ang magiging wakas ng lahat, pinaghandaan na rin daw ni Sammy ang kanyang paglisan sa mundo. “Ang inaasikaso ko ngayon yung memorial plan. Bumili na ko para kung mamatay man may paglilibingan na," aniya. Nais daw ni Sammy na kapag pumanaw na siya, napangiti ang mga tao kapag naalala ang kanyang pangalan tulad ni Dolphy na sumakabilang buhay noong Hulyo. “Parang si Dolphy di ba, banggitin mo lang Dolphy mapapangiti ka na. Sana ganun din ako... Kaya salamat kung ganun nga ang mangyari," pahayag niya. Hiwalay na sa asawa si Sammy at nakatira na sa US ang kanyang misis kasama ang dalawa nilang anak na babae. Nasa bansa naman ang isa pa nilang anak na lalaki. Ayon sa komedyante, hindi kalakihan ang kita ng kanyang mag-ina sa US kaya hindi makauwi ng Pilipinas ang mga ito kahit gustuhin nila. Sa pamamagitan na lamang umano ng tawag sa telepono ang kanilang komunikasyon. Ang hindi makita ang kanyang mga anak bago siya pumanaw ang isa sa mga pinangangambahan umano ng dating aktor. “Hindi ko alam kung makikita ko pa ang mga anak ko. Yun lang naman ang wish ko, sana makita ko pa sila bago ako mamamatay," pag-asam ni Sammy. -- FRJimenez, GMA News