Richard Gutierrez, Sarah Lahbati magtatambal sa pelikula ni Peque Gallaga
Pagkatapos ng kanilang matagumpay na pagtatambal sa primetime soap na “Makapiling Kang Muli,” tuloy ang pagsasama nina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez para sa pelikulang "The Affair."
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng “24 Oras” nitong Miyerkules, kapwa excited sina Richard at Sarah na ipagpatuloy ang kanilang love team sa pelikula lalo pa't ang direktor nila ay ang nagbabalik na si Direk Peque Gallaga.
Wika ni Richard, "Siyempre si Derek Peque ito, eh. We're gonna make a really good film, a love story na talagang pinagdadaanan ng mga tao and we're really gonna tell the story."
Samantala, handa naman daw ang Kapuso actress na paghusayan ang kanyang magiging role upang mapaganda ang daloy ng istorya ng pelikula.
"I'm very open-minded and I'm willing to do whatever, para gumanda ‘yung story and mabigyan ko ng justice ‘yung role," ani Sarah.
Makakasama nina Richard at Sarah sa "The Affair" ang Kapuso stars na sina Solenn Heussaff at TJ Trinidad.
Magsismula nang mag-shooting para sa pelikula sina Richard at Sarah ngayong Setyembre.
Gayunpaman, pansamatala nilang iiwan ang trabaho at taping upang magbakasyon na nakatakda na bago pa man inalok ang pelikula sa kanila.
Tutungong Switzerland si Sarah at pupuntang Germany naman si Richard upang samahan ang kanyang inang si Annabelle Rama sa kanyang stem cell therapy. At dahil parehong sa Europa ang kanilang destinasyon, may plano ang dalawa na magkita roon.
"Nasa plans, nasa plans ‘yun, so siyempre, we're just gonna enjoy, uhm, basta we're just gonna enjoy," masayang sabi ni Richard.
Kwento naman ni Sarah, "’Yun nga sinabi niya sa akin na 'I might go to Germany' and I told him na I'm going to Switzerland then Paris. So, ‘yun nga sabi namin why not magkita somewhere since ilang oras lang yon sa Switzerland."
Gayunpaman, wala pa ring inaamin ang dalawang Kapuso stars ukol sa tunay na estado ng kanilang relasyon.
"Basta hintayin niyo na lang kung ano man magiging decision namin soon," batid ni Richard.
"Darating ‘yung time, ‘yung tamang time para diyan," diin ni Sarah. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News