Kylie Padilla, tiniyak na 'di mababastos ang Islam sa bago niyang teleseryeng 'Haram'
Sinigurado ng aktres na si Kylie Padilla sa mga manonood na magiging maayos at maganda ang takbo ng kanyang bagong teleserye sa Kapuso Network na "Haram." Wika pa nito sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Martes, "I'm excited and nervous kasi hindi ko alam kung paano tatanggapin ng mga Muslim. I think they misunderstand the point of the show." Dagdag pa niya, "I just wanna let them know na hindi namin babastusin ang Islam. Siyempre, aalagaan po namin. May mga consultant po kaming Muslim. So, hindi po namin pababayaan." Gaganap si Kylie bilang isang Muslim na iibig sa sundalong nasa gitna ng giyera na gagampanan ng Kapuso hunk na si Dingdong Dantes. Batid pa ng aktres na dahil ito ang unang pagkakataong makakatambal niya si Dingdong ay nagkakailangan pa sila noong una. Gayunpaman, unti-unti na silang nagiging magkaibigan ngayong nalalapit na ang kanilang taping para sa nasabing palabas. Samantala, abala naman si Kylie sa kanyang kinahihiligang sports ngayon, ang target shooting. Halos walong taon nang libangan ng aktres ang target shooting ngunit ngayon lamang niya ito talagang sineryoso. Kwento pa niya, handa na raw siyang makipagsabayan sa pagiging asintado at susubukang niya ring sumali sa mga kompetisyon. "I'm interested so why not take it to the next level and try to compete. Kasi kahit na hindi ka manalo at least you tried it, diba? You'll live life once. So at least you tried something," batid ng aktres. Dagdag pa niya, magagamit niya raw ang nasabing sport sa kanyang ginagawang action film ngayon. Biro pa ni Kylie, "I was born an action star, wala lang akong chance na ipakita. Ang gusto nila yong iyak ng iyak." Maliban dito, abala rin ang aktres sa kanyang page-ensayo sa pagmo-motor. â Mac Macapendeg/BM/FRJ, GMA News