Julie Anne at Elmo Magalona, nag-enjoy sa kanilang US trip; napanood pa sa Ellen DeGeneres Show
Masayang nagkwento ang Kapuso love team na sina Julie Ann San Jose at Elmo Magalona sa kanilang biyahe sa Amerika para gumawa ng music video. Bukod dito, nabigyan din sila ng pagkakataon na nakapanood sa sikat na US show na Ellen DeGeneres Show. Sa Star Bites ng Balitanghali nitong Martes, ipinakita ang bahagi ng Ellen DeGeneres Show kung saan nahagip ng camera sina Julie Anne at Elmo habang nanonood kasama ng audience. Bago magsimula ang show, iniikot muna ng host ng show na si Ellen ang audience hanggang sa mapagawi ito sa lugar kung saan nakapuwesto ang Kapuso tween stars. Ilang segundo rin na natapat at nagkatabi mismo sina Julie Ann at Ellen habang nagsasayaw ang dalawa at kinukunan ng camera. Tuwang-tuwa naman si Julie Ann sa naturang karanasan na hindi raw niya malilimutan at tinawag niyang “five second of fame." Nangyari ang naturang eksena na hindi alam ni Ellen na isa sa mga hottest love team sa bansa ang game na game na nakipagsayawan sa kanyang show. Bukod sa opening dance ng show, nakasama rin umano sila Elmo at Julie Anne sa pagsasayaw ng “Gangnam Style" dance pero hindi na ito ipinakita sa show mimso pero mapapanood naman daw sa Youtube. Nagtungo sa US sina Julie Anne at Elmo para mag-shoot ng kanilang music video para sa self-titled album ni Julie Anne na “Enough." Bukod dito, kasama rin ang dalawa bilang mga guest sa US show ng Manny Many Prizes. - FRJimenez, GMA News