Ibinida ng international singing sensation na si Charice ang bago niyang hairstyle nang dumalo sa world premiere ng kanyang Hollywood film na "Here Comes the Boom" na ginanap sa New York City. Ayon sa ulat ni Luane Dy sa
Balitanghali nitong Miyerkules, ang kasalukuyang hairstyle ni Charice ngayon ay tinatawag na androgynous look na babagay umano sa lalaki at babae. "Actually I've changed the color [of my hair] so many times. Like first it was almost black and I got blonde and now it's like this, like ash gray something. And I think I'm sticking with it," wika ni Charice. Gayundin, ang nasabing pelikula ay tungkol sa isang high school teacher na suma-sideline bilang isang mixed martial arts fighter upang makalikom ng pondo para sa music program ng kanilang paaralan. Ilan sa mga Hollywood star na kasama ni Charice sa pelikula ay sina Kevin James, Salma Hayek, Henry Winkler, Greg Germann, at Joe Rogan. Ginampanan ni Charice sa movie ang role bilang high school student na nagngangalang Malia. -
Mac Macapendeg/FRJ, GMA News