ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Direk Marilou Diaz-Abaya, nag-iwan din ng marka sa telebisyon


Acclaimed director Marilou Diaz-Abaya passed away last Monday after a five year battle with cancer.
 
Acclaimed director Marilou Diaz-Abaya Photo by Wig Tysmans
Hindi lamang sa paggawa ng mga de-kalidad na pelikula nakilala ang pumanaw na batikang direktor na si Marilou Diaz-Abaya, maging ang mga programa sa telebisyon na kanyang pinamahalaan, nag-iwan din ng marka sa industriya. Ilan buwan pagkatapos ng mapayapang EDSA 1 People Power Revolution noong 1986, pansamantalang tumigil si Abaya sa pagdirek ng mga pelikula. Sumabak siya sa mundo ng telebisyon kung saan naging direktor siya ng dalawa sa sikat na news program noon — ang Public Forum at Sic O’Clock News. Sa panayam kay Jobart Bartolome, GMA AVP– Program Analysis, ikinuwento niya ang tungkol sa tema, istorya at pinagmulan ng dalawang news and public affairs program kung saan siya naging researcher at manunulat. Wikang Pinoy sa Public Forum Nobyembre 17, 1986 nang unang umere ang talk show na Truth Forum kung saan host si Randy David. Hindi nagtagal ay pinalitan ito ng titulo na tinawag na Public Forum nang ilipat sa GMA-7. "’Yong concept ng talk show ni Randy, hindi katulad noong mga talk show na may isang guest. Ito paikot ‘yong stage na maraming mga guest; hindi lang sila audience kundi guests. Tinatanong mismo sa palabas ‘yong audience, nagre-react sila doon sa usapan," kuwento ni Bartolome. . Dagdag pa niya, "Dito, si Randy mayroong iba pang guests na may kinalaman sa isyu at talagang bibigyan ng panahon makapagsalita. Kumbaga ‘yong masa pinagsasalita mo." Layunin umano ng programa na isulong ang talakayan sa lahat ng manonood. Nais nilang mabigyan ng pagkakataon maging ang mga karaniwang manggagawa na marinig ang komento at hindi lamang limitado sa mga nasa posisyon o kapangyarihan. “Mayroong effort talaga na gawing wider ‘yong participation ng mga tao doon sa discussion, doon sa conversation and not confine it simply doon sa mga sikat na personalities, mga pulitiko," ayon kay Bartolome. "It certainly stepped up, Kumbaga humakbang pa siya, hindi ‘yong kung ano lang ang kalakaran hanggang doon lang siya. Nagstep-up siya in terms of content, ‘yong pagiging creative niya, ‘yong pagparticipate ng iba," dagdag nito. Itinuturing nila na makasaysayan ang paglabas ng programa dahil isa ito sa mga ang kauna-unahang talk show na gumamit ng wikang Filipino bilang pangunahing salita. "Bago noong Truth Forum, si Randy actually, ay mas kilala sa pagsasalita sa Ingles. In front of people, in public, hindi talaga niya nasusubukang magsalita sa Tagalog o Filipino. You must remember that because years later, he would be known as a foremost host using Filipino kasi naging malinaw na ito ang wika na kailangan sa mass media, kung gusto mong maabot ang mas maraming Pilipino, " kwento ni Bartolome. Sic O’Clock News: Hindi lang basta nagpapatawa Isang buwan pa lang pagkatapos magsimula ang Truth Forum, napagdesisyunan umano ng grupo na gumawa ng isang political satire, inspired ng British show na Not Necessarily the News, ang Sic O'Clock News. “Kinausap na ‘yong mga writer, number one was Amado Lacuesta, he was multi-awarded movie script writer who used to be a banker at mahilig lang siyang magsulat," pag-alaala ni Bartolome. Nagsimula ang entertainment political satire show na Sic O’Clock noong unang linggo ng Enero taong 1987. Kasama sa programa sina Jaime Fabregas at Ces Quesada, na naging nagsilbing mga news anchor.
Larawan kuha noong Disyembre 1987 habang kasama ni Direk Marilou sa Tagaytay ang cast and crew ng Sic O’clock News. Mula sa kaliwa: Jobart & Tin Bartolome, Direk Marilou, (the late UP Prof.) Ogie Juliano, at Jaime Fabregas. -- Larawan mula kay Jobart Bartolome. GMANews.TV
Ilan pa sa mga kilalang artista na nakasali sa show ay sina Rene Requiestas, Joji Isla, Jon Achaval, Ching Arellano, at Manny Castaneda. Nakilala at sumikat ang palabas dahil sa kanilang mga sketch na pawang katatawanan na tumatalakay sa mga isyu at kontrobersiyang patok noong mga panahong iyon. Kwento ni Bartolome: "Habang nagta-taping kami, maraming lumalabas na balita, remember noong '87 maraming malalaking balita ... Meron pang tensyon, pero high ang mga tao sa kalayaan matapos ang maraming taon ng martial law, wala na si Marcos!." "So yung ginawa na political satire, enjoy kami doon kasi nagpapatawa pero merong laman ‘yong kwento. So kung ano yung pinakamalalaking balita, ginagawang katatawanan pero may banat," dagdag niya. Samantala, isa sa mga importanteng bahagi ng palabas ay ang pagtira gamit ang pagpapatawa sa mga malalaki at maging sa mga karaniwang personalidad. "I think ‘yong pinaka-importante doon sa political satire na ginawa namin was that there was no sacred cow. Walang kumbaga na 'untouchable,' ani Bartolome. “From the President [Cory Aquino] to [Juan Ponce] Enrile to Erap [Joseph Estrada] to [Ramon] Mitra [Jr.] who was Speaker of the house, to the military, to the Americans, to the communists lahat ‘yon tinitira. Wala ‘yong ito hindi tina-touch." Isa rin sa mga bahagi ng palabas ang paggawa nila ng mga parody characters tulad ni “Presidentita" na tumutukoy ay dating Pangulong Corazon Aquino. Tinalakay din sa Sic O’Clock News ang mga isyu ukol sa American bases at kontrobersiya sa pamamahala ni Gng. Aquino. Patuloy pa ni Bartolome, "So itong political satire na pinagtatawanan mo e ’yong mga kahinaan natin. Tapos medyo yung powerful people, hindi mo sila sinasamba kung hindi [mino-mock mo sila]. Muckraking siya, eh, you criticize them medyo in a funny way but then, you're actually trying to make people think to be critical about their roles and what they're doing." "Hard hitting siya," paglalarawan pa niya sa programa." Medyo hindi siya ‘yong slap in the wrist. Medyo matindi ‘yong banat kasi malalim, titirahin mo mismo ‘yong mga Kano, iyon yung madalas naming tirahin." Ayon kay Bartolome, madaling katrabaho si Direk Abaya dahil bukod sa pagdidirek, may iba pa itong kayang gawin tulad ng costume design, pagpili ng paksa ng show at iba pa. Katunayan, sumasama rin daw si Direk Abaya sa diskusyon kung ano ang gagawing topic ng programa, paano ito pag-uusapan, at kung sino ang mga iimbitahang guest. At sa paglipas ng mahabang panahon, ilang mga programa na rin ang nagsulputan na masasabing hindi nalalayo sa tatak ng dalawang programa sa telebisyon na pinamahalaan Direk Abaya. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News