ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA Films exec sa Tiktik: The Aswang Chronicles: ‘This will be a ground breaking movie for Philippine cinema’


Naging matagumpay ang premiere night ng pinakamalaki at inaabangang horror movie ng taon na Tiktik: The Aswang Chronicles na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Lovi Poe. Dumating at rumampa sa red carpet sa premiere night nitong Lunes ng gabi sa SM Megamall ang mga star ng Tiktik na sina Dingdong, Lovi, LJ Reyes, Joey Marquez, Janice de Belen, Ramon Bautista at marami pang iba. Agaw pansin din ang nakakakilabot na set design sa premier showing kung saan naglagay ng mga tao na naka-costume na aswang. Sinurpresa rin ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera ang nobyong si Dingdong nang dumating ito sa premiere night para magbigay ng suporta sa naturang pelikula. Masaya ang cast members dahil maganda ang kinalabasan ng pelikula na sinasabing ginastusan ng halos P80-milyong at inabot ng isang taon sa post-production at editing. "Ako, I was so impressed. Bawat ano [eksena] may highlight, eh. Pero what we're presenting here is something very Filipino," wika ni Dingdong sa ulat ni Cata Tibayan sa late night news ‘Saksi’ nitong Lunes. "I'm so proud of everybody dahil nga it's a step forward. Everybody took a risk and it's all worth it," pahayag naman ni Lovi. Dumalo rin sa nasabing movie premiere si Direk Erik Matti at producer ng pelikula na sina Dondon Monteverde at GMA Films President na si Ms. Annette Gozon-Abrogar. "This will be a ground breaking movie for Philippine cinema. So I'm very excited for Wednesday [at] sana mapanood ito ng lahat kasi talagang kakaiba ito. It's the first time, it's the first movie na ganito ‘yong pagkagawa," ayon kay Ms. Annette. Hindi naman nabigo ang mga manonood sa resulta ng pelikula. "Sobrang ganda ng movie and nakakaproud na tayong mga Filipino ay kanyang makagawa ng ganitong klaseng pelikula," ayon sa isang nakapanood sa premiere showing. Ang Tiktik: The Aswang Chronicles ay binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board ng PG (Parental Guidance) rating. Sa PG rating, maaaring makapanood ang bata basta kasama ang magulang. Mapapanood sa mga sinehan ang Tiktik: The Aswang Chronicles simula ngayong Miyerkules, Oktubre 17. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News