Cast ng Tiktik: The Aswang Chronicles, may sorpresa sa mga manonood sa darating na weekend
Masayang-masaya ang bumubuo ng tinaguriang horror film ng taon na Tiktik: The Aswang Chronicles dahil sa tagumpay nito sa takilya. Sa loob lamang ng halos isang linggo, tumabo na ang pelikula ng mahigit P70-milyon. Bilang pasasalamat, sinabi ng lead actor ng pelikula na si Dingdong Dantes na may inihanda silang sorpresang panggulat sa mga manunood sa mga sinehan sa darating na weekend. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing magsasagawa ng trick or treat ang ilang cast mebers ng Tiktik na pangungunahan mismo ni Dingdong. "Gagawin namin itong weekend dahil alam naming karamihan ng mga nanonood mga bata rin talaga. So iikutin namin ‘yong mga magti-trick or treat na naka-costume. So makikita nila ‘yong mga characters ng The Aswang Chronicles," ayon sa Kapuso actor. Samantala, dahil sa tagumpay ng nasabing pelikula, nagdaos sila ng isang thanksgiving mass na dinaluhan ng mga artista ng pelikula tulad nina Dingdong, Lovi Poe, at LJ Reyes. "Kung meron talagang dapat pasalamatan, ‘yong mga nanood dahil through the word of mouth eh, nalalaman nilang mas marami na kung gaano ka-entertaining talaga ‘yong Tiktik, so nakakatuwa," wika ni Dingdong. Dumalo rin sa nasabing mass ang mga producer ng pelikula na sina GMA Film President Annette Gozon- Abrogar, Dondon Monteverde, at GMA VP for Program Management na si Joey Abacan. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News