Hot scenes nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati sa Seduction, papaano kinunan?
Nakilala si Direk Peque Gallaga sa mapangahas niyang mga pelikula tulad ng Scorpio Nights, Virgin Forest at Unfaithful Wife, kaya asahan na marami ang mag-aabang kung papaano nito kinunan ang kauna-unahang intimate scenes ng real-life sweetheart na sina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati sa pelikulang Seduction. Sa ulat ni showbiz reporter Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Martes, sinabing nagpapasalamat si Richard na si Peque ang kanyang naging direktor sa kanyang kauna-unahang pelikula na may pagka-sexy ang tema. Kakaibang Richard umano ang makikita ng mga tao sa Seduction kung saan gagampanan niya ang karakter na isang lalaki na iibig nang sabay sa dalawang babae. Bukod kay Sarah, leading lady ni Richard sa Seduction ang magandang Kapuso actress na si Solenn Heussaff. Pag-amin ni Richard, hindi birong nerbiyos ang naramdaman nila ni Sarah nang kunan na ang isang matindi nilang love scene sa pelikula. Pero gumawa naman daw ng paraan si Direk Peque na malimitahan ang tao nang gawin nila ang mainit na eksena. "Kinakabahan kami pareho to be honest. Kasi nga first time naming gagawin yung mga ganung eksena," ayon kay Richard. "Pinag-usapan namin nang husto ni Direk Peque, nagkaroon kami ng workshops and very private din yung nangyaring eksena dahil camera lang saka si Direk Peque yung nandun," kwento pa ng aktor. Sa nakaraang interview, sinabi ni Sarah na nagpakita ng kakaibang acting si Richard sa Seduction. Sa naturang pelikula ay makikita raw ang tao ang ibang side ni Richard as an actor dahil dream role daw nito ang ginampanang karakter. Paglalarawan ni Sarah sa Seduction, isa itong "dark love story" ay mayroong violence na magaganap. Samantala, inihayag naman ni Richard na may plano na sila ni Sarah kung papaano ipagdiriwang ang nalalapit na Pasko at pagsalubong sa bagong taon. Katulad umano ng dati, simple lang at magsasalo-salo sa dinner ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay sa Pasko. Habang sa Cebu naman daw nila sasalubungin ang 2013. -- FRJimenez, GMA News