ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bumandera ang ganda, husay at talento ng mga Pinoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging maganda ang taong 2012 sa ilan nating kababayan na tumanggap ng mga pagkilala at parangal sa larangan ng entertainment at beauty pageants. Kabilang na rito si Eugene Domingo na itinanghal na best actress sa isang film festival sa France para sa pelikulang Ang Babae sa Septic Tank. Nakamit ni Eugene ang best actress trophy noong nakaraang Disyembre sa 3rd Pau International Film Festival na ginanap sa France para sa awards winning indie movie na “Ang Babae sa Septic Tank." Ginawaran naman si Direk Brillante "Dante" Mendoza ng La Navicella Venezia Cinema Award ng Rivista del Cinematografo para sa kanyang pelikulang Thy Womb. Ito'y kaugnay sa isinasagawang 69th Venice International Film Festival sa Italy. Ang parangal na ito kay Mendoza ay nakamit niya isang araw matapos makamit ni Nora Aunor, lead actress ng Thy Womb, ng Bisato d' Oro Award mula sa isang grupo ng film critics sa Italy. Marami naman ang natuwa nang makapasok finals ng American Idol Season 11 ang may dugong Filipina na si Jessica Sanchez. Bagaman pumangalawa lamang sa nanalong si Phillip Phillips, naging karangalan para sa mga Pinoy ang pagsali nito sa AI dahil siya ang kauna-unahang kalahok na may dugong Pinay na nakaabot hanggang sa huling laban.

Nagbunyi naman ang bansa nang makuha ng pambato ng bansa na si Janine Tugonon ang 1st runner-up ng 2012 Miss Universe pageant na ginanap sa Las Vegas, Nevada nitong Disyembre. Dahil dito, natularan ni Janine ang naabot ni Miriam Quimbao na naging 1st runner-up din sa nasabing kompetisyon noong 2001.
Samantala, sinubaybayan naman ang muling pagpunta ng sikat na theater musical play na Miss Saigon sa bansa para magpa-audition sa muling pagpapalabas nito. Ito naturang musical play ang nagpasikat kina Lea Salonga at Maggie Wilson sa international scene. Sa pagbalik nila dito sa bansa, sa halos 1,000 na nag-audition, mapalad na nakasama sa itinuturing shortlist ang mga Kapuso stars na sina Rachelle Ann Go, Aicelle Santos, at Frencheska Farr. Kasabay nito, muling ring sumigla ang teatro sa bansa kung saan nagkaroon ng mga sunud-sunod palabas sa mga theater house tulad ng Philippine Educational Theater Association, Atlantis Productions, sa Tanghalang Filipino ng Cultural Center of the Philippines, at iba pa. Ilan sa mga palabas na ito ay ang theater adaptation ng 1980s movie ni Ishmael Bernal na Bona kung saan si Eugene Domingo ang bumida sa teatro (PETA), Alladin (Atlantis), King and I (Resorts World), at Rama Hari (CCP). Itinanghal din sa taong ito ang huling playwright ng yumaong si Mario O'Hara na "Stage Show." Ang Pinay transgender na si Kevin Balot naman ang itinanghal na Miss International Queen, isang beauty pageant para sa mga transgenders at transexuals, na ginanap sa Thailand.
Mula nang magsimula ang naturang beauty pageant noong 2004, umabot na sa 37 Pinoy ang lumahok para makamit ang titulo. Tatlo noong 2004, lima noong 2005, walo noong 2006, lima noong 2007, apat noong 2009, lima noong 2010, tatlo noong 2011, at 4 sa taong 2012. Kinilala naman ang kisig ng mga Pinoy sa Thailand nang magwagi sa 2012 Manhunt International si June Macasaet. Tinalo niya ang 52 iba pang mga kalahok mula sa iba't ibang bansa. Itinampok ang ilang siyudad sa Metro Manila sa Hollywood film na The Bourne Legacy na pinagbidahan nina Jeremy Renner, Rachel Weisz at Edward Norton. Ilang Pilipino actors ang mapalad na nakasali sa nasabing pelikula, kabilang na sina John Arcilla, Lou Veloso, at Madeleine Nicolas. Tinapos naman ng Cebuana na si Rizzini Alexis Gomez ang taong 2012 nang may maipagmamalaki matapos niyang iuwi ang korona bilang Miss Tourism International 2012, na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Disyembre 31. Nanaig si Gomez, nanalong Mutya ng Pilipinas 2012 Tourism, sa mahigit 50 kandidata na kumatawan sa iba't ibang bansa. - Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News