ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Epic-fantaseryeng Indio, ipinasilip sa special screening


Star-studded at dinaluhan ng mga fans ang special screening ng pilot episode ng epic-fantaseryeng "Indio," na ginanap sa SM Cinema sa Megamall nitong Miyerkules ng gabi. Sa naturang special screening, ipinakita kung gaano kalakita at pinaghandaan ang maaksiyong primetime series na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla Jr., na present din sa nabanggit na event. "I'm floating. Para akong nasa langit. It's like watching a movie," ayon kay Sen. Bong. "Ganun 'yong feeling at sabi nga itinaas ng GMA ang standard sa paggawa ng serye. Talagang napakalaki, nakapaganda." Kasama ni Sen. Bong sa special screening ang iba pang kasama sa series na sina Jennylyn Mercado, Maxene Magalona, Vanessa del Moral, Sheena Halili, Bobby Andrews, Marco Alcaraz, Alden Richards, Bea Binene, Philip Salvador, Robert Aravelo, Michael de Mesa, Ronnie Lazaro, Jackielou Blanco, at marami pang iba. Present din ang mga "diwata" ng Indio na sina Rhian Ramos na kasama ang napapabalitang boyfriend nito na si KC Montero; sina Ehra Madrigal, Rachelle Ann Go, Will Devaughn, Steven Silva, at Paolo Paraiso. Ang Indio ay istorya ng buhay ni Malaya (batang Indio), ang anak ng isang mandirigma (Luis Alandy) at ng diwata ng digmaan (Sarah Lahbati). Ito'y naganap sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. "This is a product of our regular drama creative summit. But because no'ng sinabi ni Senator (Bong) finally he really has decided na gusto niyang gumawa na ng soap; because it might be his first and his last or his one and only. Nag-isip kami ng something na babagay sa kanya. So Indio was really made for him," ayon kay Ms. Lilibeth Resonable, ng GMA Entertainment TV. Sa pilot episode, ipinakita ang takbo ng istorya ni Malaya kung saan matutunghayan ng diwatang si Magayon (Rhian) kung paano namatay ang ina at pagiging ulila ng batang Indio. Dahil dito, gagawa ng paraan si Magayon at hahanapan niya si Malaya ng taong kukupkop sa kanya, na gagampanan naman nina Jomari Yllana at Agot Isidro. Paglaon, matutuklasan ni Malaya ang angkin niyang lakas at kapangyarihan hanggang sa paglaki at pagbibinata (na gagampanan ni Alden). "Pataas nang pataas ito. Surprise 'yong kung anong week tayo lalabas. I will not reveal that but soon, malapit na yun," saad ni Sen. Bong. Ayon naman kay Ms. Lilibeth: "I've seen the whole pilot week, and it will even get better. I mean, kung namangha na, lalo pa pagka-tumanda. Naging young Malaya na siya, hanggang sa naging si Alden, hanggang maging si Senator. The story gets better and better, more intense and then the fight scenes, the effects. So talagang patikim pa lang 'yong pilot episode." Tulad ng ibang hit primetime series na Amaya at Encantadia, sinabi ni Ms. Lilibeth na masusing pinag-aralan at sinaliksik ang Indio. "It's similar in the sense na the same amount of research and references to real historical events or characters, doon siya magkadikit. Pero if you will notice, kadugtong siya ng Amaya. If Amaya ended before the Spaniards came in, ito 'yong continuation," paliwanag niya. Mapapanood ang Indio gabi-gabi simula sa Lunes, Enero 14 sa GMA-7. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News