Judy Ann Santos, 'di pa rin lulubayan ng BIR
Maghahain ng petisyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Court of Tax Appeal (CTA) upang habulin si Judy Ann Santos sa criminal liability nito kaugnay sa isinampa nilang tax evasion case sa aktres. Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing inabsuwelto ng CTA si Judy Ann sa criminal liability na may parusang pagkakakulong pero hindi sa kanyang pananagutang sibil. Inatasan ng korte ang aktres na magbayad ng buwis at 20 percent interest na aabot sa P3.418 milyon. Ang kaso ng BIR laban kay Judy Ann ay nagmula sa idineklarang kita ng aktres noong 2002 kung saan umabot lang umano sa P8.03 milyon ang kinita nito mula sa kanyang mga palabas at product endorsements. Pero ayon sa BIR, umabot sa P16.396 milyon ang tunay na kinita ng aktres kaya kulang ang binayaran niyang buwis. Kinatigan ng CTA ang paliwanag ng kampo ng aktres na may intensiyon itong ayusin ang pagkakamali sa idineklarang buwis pero pinigilan umano siya ng kanyang manager at abogado. “Negligence, whether slight or gross, is not equivalent to the fraud with intent to evade the tax contemplated by the law," paliwanag ng korte sa desisyon. Bagaman masaya si BIR commissioner Kim Henares sa naging desisyon ng korte na pagbayarin ng buwis si Judy Ann, nais pa rin nilang maibalik ang criminal liability ng aktres sa kaso. Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ni Judy Ann sa naging desisyon ng CTA at ang planong apela na gagawin ng BIR. - FRJ, GMA News