Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kandidatura ng isa pang celebrity sa Mayo, namimiligro matapos idiskuwalipika ng Comelec


Bukod kay Aga Muhlach, isa pang celebrity na naghain ng kandidatura bilang kongresista sa Bulacan sa darating na halalan sa Mayo ang nanganganib na hindi matuloy matapos itong idiskuwalipika ng Second Division ng Commission on Elections (Comelec). Sa eksklusibong panayam ni GMA News reporter Saleema Refran, ipinaalam ng itinuturing Juke Box Queen ng Pilipinas na si Imelda Papin ang kanyang pagkadismaya sa naging desisyon ng Second Division ng Comelec na ibasura ang kanyang kandidatura dahil sa usapin ng "residency." Si Imelda ay naghain ng kandidatura bilang kongresista ng lone district ng San Jose del Monte sa Bulacan. Masakit daw para sa mag-aawit dahil sa media lang niya nalaman na kinansela ng nabanggit na dibisyon ng Comelec ang kanyang kandidatura. "Wala pa akong natatanggap na desisyon o resolution or whatsoever documents from Comelec," pahayag ni Imelda sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Giit ng singer, minsan na rin may humarang sa kanyang planong pagtakbo sa naturang posisyon nang harangin ang kanyang pagpapatala sa San Jose del Monte bilang botante. Ngunit nanalo umano siya sa naturang kaso kaya nagawa niyang makapaghain ng kandidatura. Batay sa desisyon ng Second Division ng Comelec, hindi napatunayan ni Imelda na nakatira siya sa dalawang address na isinumite niya sa ahensiya. Lumitaw din umano na ibinenta ng singer ang bahay sa isa sa dalawang address na ibinigay nito. Nakasaad din umano sa dokumentong isinumite ni Imelda sa Comelec nang tumakbo itong senador noong 2010 election na sa Quezon City ito nakatira. Pero nanindigan si Imelda na hindi batayan ang address niya sa 2010 elections para siya idiskuwalipika. "Residency 'di ba?, dapat isang taon naka-reside ka kung (saan) nagkakandidato ka. I think and I believe from May 10, 2012 to May 2013, nandun po ako (nakatira) within sa one year residency," giit ni Imelda. Pag-aaralan pa umano ni Imelda ang susunod nilang hakbang kaugnay sa naging desisyon ng Second Division ng Comelec. Samantala, inihayag naman si Comelec chairman Atty. Sixto Brillantes Jr., na patas ang ginagawa nilang pagdinig sa mga petisyon laban sa mga kandidato. Aminado naman siya na mabagal ang pagpapaalam sa desisyon dahil sa kakulangan nila ng mga tao at oras. Una rito, nalalagay din sa alanganin ang kandidatura ni Aga Muhlach sa pagka-kongresista sa Camarines Sur matapos na katigan ng Regional Trial Court (RTC) ang naunang desisyon ng mababang korte na alisin ang pangalan niya sa listahan ng mga botante ng San Jose City ng nabanggit na lalawigan. Gayunman, nananatiling buhay ang pag-asa ng aktor na tumakbo sa darating na halalan matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals (CA) kaugnay sa naunang desisyon ng mababang korte. -- FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT