ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sheena Halili, naiyak nang putulin ang mahabang buhok para sa gagampanang role


Alang-alang sa gagampanang role sa isang primetime series, isinakripisyo ng Kapuso actress na si Sheena Halili ang kanyang mahabang buhok na ilan taon din niyang inalagaan. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa video habang inihahanda ng hairstylist ang gagawing pagputol sa hanggang baywang na buhok ni Sheena. Ilang sandali pa, ginupit na ang buhok ng aktres at pinutol ito hanggang sa kanyang balikat. Habang ginugupit, hindi napigilan ni Sheena ang sarili na maiyak. Kinailangang magpaputol ng buhok si Sheena para sa role na kanyang gagampanan sa epic-seryeng Indio na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla Jr. Sinabi ng aktres na ang pagpapaputol niya ng buhok ay patunayan na gagawin niya ang lahat para sa kanyang gagampanang karakter. Idodonate naman ni Sheena ang pinutol na bahagi ng kanyang buhok. - FRJ, GMA News