ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Wish ni Ryzza Mae Dizon na magka-kotse, natupad na


Natupad na ang isa sa mga wish ng Eat Bulaga child star na si Ryzza Mae Dizon na magkaroon ng sariling sasakyan na magagamit niya sa pagpunta sa kanyang trabaho. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, ipinakita ang nabiling second-hand na sasakyan ni Ryzza. Ang mommy raw ni Ryzza ang pumili at magda-drive sa kanilang sasakyan. Kwento ng bulilit dabarkads kay Chika Minute host Pia Guanio, sa likod siya ng sasakyan nakapuwesto dahil bawal ang bata sa tabi ng driver. Sa likod ay nakakahiga at nakakapagpahinga din siya. Bago nito, dalawang beses sumasakay ng LRT si Ryzza at kanyang ina kapag nagpupunta sa studio ng Eat Bulaga. "Masaya po kasi hanggang ngayon akala ko napanaginipan ko lang," masayang pahayag ng child star sa kanyang bagong sasakyan. Bukod sa kotse, una nang sinabi ni Ryzza na pangarap din niyang maibili ng bahay ang kanyang pamilya. Nabigyan ng break sa showbiz si Ryzza matapos manalo sa Little Miss Philippines contest ng Eat Bulaga. Labis ang pasasalamat ng bata sa Eat Bulaga dahil mula nang makapasok siya sa showbiz ay unti-unti na niyang nabibili ang kanyang mga hangad na mabili. - FRJ, GMA News