Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sexy star, nais baguhin ang image para mabawi ang anak


Matapos mawala ng apat na taon, nagbabalik showbiz ang sexy star na si Raja Montero at hangad na mabago ang image sa pag-asang mabawi ang kanyang anak na kinuha umano ng kanyang dating non-showbiz boyfriend. Sa panayam ng Startalk TX nitong Sabado, ikinuwento ni Raja na na-in love siya at nagkaanak kaya nawala sa sirkulasyon ng showbiz ng ilang taon. Pero sa kanyang pagbabalik, sinabi nito na hindi na siya muling kukuha ng sobrang sexy na proyekto gaya ng ginawa niya noon. "Sa ngayon maraming offer po na nagbibigay sa akin. Saka parang panahon po ulit para magbalik na naman po ako sa showbiz," pahayag niya sabay dagdag na magkakaroon na siya ng limitasyon. Ayon kay Raja, dalawang taon na ngayon ang kanyang anak na basta na lamang umano tinangay ng kanyang boyfriend noong nakaraang taon sa kanilang bahay. Kwento niya, hiwalay na sila ng ama ng bata pero pinapayagan naman niya ito na dalawin ang kanilang anak dahil ayaw niyang lumaki ang bata na walang kinikilalang ama. At nang minsan nasa labas siya dahil sa trabaho, iniwan niya ang kanyang anak sa kanyang ina. Nakiusap daw noon ang ama ng bata na bisitahin ang kanilang anak at pumayag siya. Hindi umano niya inakala na tuluyang dadalhin ng kanyang dating boyfriend ang kanilang anak at hindi na ito ipinakita sa kanya. Bagaman nagsampa na siya ng demanda sa korte, sinabi ni Raja na ginagamit na dahilan ng ama ng bata ang kanyang nakaraang mga pagpapasexy sa pelikula at pagtatrabaho sa club para hindi niya makuha ang kostudiya sa anak. Sa ngayon, nais ni Raja na mabago ang kanyang imahe kasabay ng paggiit na walang masama sa ginawa niyang pagpapa-sexy noon na bahagi lamang ng kanyang trabaho. Handa naman umano siya na tanggapin kung kanino mapupunta ang kostudiya ng bata basta sa ikabubuti nito, ngunit hindi umano siya dapat alisan ng karapatan na makita at makasama ang anak. - FRJImenez, GMA News