ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Glaiza de Castro, kontrabida muli sa GMA sitcom 'Vampire Ang Daddy Ko'


Muling gaganap bilang kontrabida ang Kapuso star na si Glaiza de Castro sa bagong GMA sitcom na "Vampire Ang Daddy Ko," kung saan makakasama niya ang mag-amang sina Oyo Boy Sotto at Vic "Bossing" Sotto. "Oo, dinala ko rito 'yong pagiging Heidi ko. Pero ano, what's good about it is that, maipapakita ko 'yong comedic side ko," pahayag ng aktres sa press conference na ginanap sa Dulcinea, Tomas Morato noong Lunes. Kasalukuyang napapanood ang Kapuso actress sa GMA primetime series na "Temptation of Wife" bilang si Heidi, ang kontrabida sa buhay ni Angeline na ginagampanan naman ni Marian Rivera. Wika pa niya, "And I'm very honored na napasama ako rito. Bukod sa first time ko na makatrabaho si Boss Vic, most of the cast din, makakatrabaho ko for the first time. I'm looking forward na mas marami pa akong malaman tungkol sa comedic timing." "Maganda 'yong istorya, eh, because very unusual na nakikita natin to sa sitcom and very fresh 'yong idea and sobrang excited na ako," dagdag niya. Gaganap si Glaiza bilang si Vavavoom, ang bampirang dapat na ipakakasal kay Vlad (karakter ni Oyo Boy), ngunit umibig naman kay Sonya, (karakter nina Jackie Lou Blanco at Pilita Corales). Pero dahil napahiya si Vavavoom, hindi niya titigilan si Vlad, hanggang sa nakilala nito si Victorio (and karakter ni Vic Sotto), kung saan nagustuhan niya at kukunin ang atensyon. Kontrabida ulit Hindi naman daw nagsasawa si Glaiza sa pagganap bilang kontrabida dahil kakaiba naman daw ang atake niya sa kanyang karakter sa nasabing sitcom. "Hindi naman po [nagsasawa maging kontrabida]. Dahil ibang atake naman po ang gagawin ko rito, eh, comedy naman," ani Glaiza. "Since first time ko makasama sa isang sitcom, siyempre di ba, blessing 'yon. Kaya hindi ako nagdalawang-isip." Inihayag din ng aktres na malapit sa kanya ang pagiging komedyante dahil may pagka-kalog daw siya sa totoong buhay. "Malapit sa puso ko yong comedy kasi in real life, medyo may pagka-kalog din talaga ako," saad nito. "So kung career naman, parang different kind of me since nakikita nila akong palagi sa TV na seryosong-seryoso. Dito, may ibang atake," dagdag ng aktres. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News