Young actor, dinakip dahil sa pag-upload umano ng sex video sa Internet
Isang aktor ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes dahil sa pag-upload umano nito ng sex video sa Internet at pagpapakalat ng hubad na larawan ng kanyang dating girlfriend.
Si Arno Morales, o Arno Udo Fermin Fuch sa totoong buhay, ay dinakip ng mga awtoridad sa kanyang tahanan sa Quezon City nitong umaga ng Biyernes sa bisa ng isang arrest warrant.
Inireklamo si Arno ng kanyang dating nobya dahil sa paniwala na siya ang naglagay sa Internet ng kanilang sex video at nagpakalat ng kanyang hubad na larawan.
Ayon sa biktima, nagbanta ang aktor nang tumanggi siyang makipagbalikan dito.
Idinagdag ng dalaga na ipinadala rin umano ng suspek sa pamamagitan ng email ang mga hubad niyang larawan sa kanyang eskwelahan.
Inamin naman ni Arno na siya ang kumuha ng mga larawan at video pero itinanggi niya na siya ang nag-upload ng mga ito sa Internet.
"Hindi masyadong big deal yung pangyayari para ganito...siguro ang dami-daming crimes diyan sa labas na worth ganituhin," pahayag niya.
Kinumpiska ng NBI ang laptop, wifi at iba pang electronic equipment ng aktor at lumilitaw umano sa kanilang pagsusuri na ginamit ang mga ito sa pag-upload ang video at mga litrato ng dalaga.
Ngunit bukod sa mga kasong paglabag sa RA 9995 o Anti-Voyeurism Act, at Republic Act (RA) 9262 o Violence Against Women and Their Children, inihayag ng NBI na posibleng makasuhan din ang suspek tungkol sa paggamit ng iligal na droga dahil sa nakitang drug paraphernalia sa kanyang lugar.
Payo naman ni NBI Director Reynaldo Esmeralda sa publiko, huwag na nilang irekord ang mga pribado nilang ginagawa.
"NOT A BIG DEAL"
Sa ulat naman ni Arniel C. Serato na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Biyernes, mariing itinanggi rin ng ina ni Arno na si Wilhelmina Fuchs, ang paratang sa kanyang anak.
Sinabi nito na ang BlackBerry phone at iPod Touch ng anak na naglalaman ng mga maseselang video at larawan ay nawala sa isang party dalawang buwan na ang nakararaan.
“Hindi gagawin ng anak ko yun kasi magiging kahihiyan din yun ng anak ko lalo na at artista siya.
“At hindi pa nakatakip yung mukha so makikilala siya kung gagawin niya yun,” pahayag ng ina ni Arno.
Umapela naman si Arno sa mga miyembro ng media na huwag nang palakihin pa ang isyu ng sex video scandal.
Aniya, "Away lang ng mag-girlfriend/boyfriend yun so don't make a big deal out of it." -- FRJimenez, GMA News