ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Richard Gutierrez, isiniwalat kung bakit gusto ng kanyang mommy Annabelle si Marian Rivera


Pagkaraan ng limang taon, muling magtatambal sa pelikula ang Kapuso leading man na si Richard Gutierrez at ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa romantic-comedy movie na My Lady Boss.   Five years ago nang magkasama sa pelikulang "My Bestfriend's Girlfriend" sina Richard at Marian.   "Five years ago pa 'yon [My Bestfriend's Girlfriend] at nagulat din kami nang magkasama kami sa telebisyon at sa pelikula na nandoon pa rin 'yong chemistry namin, na kumportable kami sa isa't isa at parang hindi five years 'yong dumaan," kwento ng aktor.   Sa bago nilang pelikula na My Lady Boss, gaganap si Marian bilang si Evelyn, isang "boss from hell," na iniwan ng boyfriend at naghahanap ng bagong assistant brand manager.   Samantala, gagampanan naman ni Richard ang karakter ni Zach, isang mayamang binata na pinilit maghanap ng trabaho matapos magkaroon ng problema sa kanyang kumpanya.   Dahil dito, makikilala at magiging boss niya si Evelyn.   Tiniyak nina Richard at Marian, mag-eenjoy sa katatawanan at kikiligin ang mga manonood ng kanilang pelikula.   Katangian ni Marian   Bagaman on-screen lamang ang samahan nila bilang love team, aminado si Richard na may mga katangian si Marian na labis niyang hinahangaan. Ganundin umano ang kanyang ina na si Annabelle Rama.   "Qualities na nakikita ko kay 'Yan (nickname ni Marian), ay 'yong mga qualities na nakikita ko rin sa nanay ko— 'yong palaban, mabait, marunong makisama, mag-alaga, pero alam mong strong siya deep down. At alam mong 'pag may pinaglalaban siya, nasa tama siya," paliwanag ng aktor.    Ikinuwento rin ni Richard ang paghanga ng kanyang inang  si Annabelle kay Marian dahil nakikita raw ng talent manager ang sarili sa primetime queen.   Sagot naman dito ni Marian: "Siguro nakikita niya lang 'yong personality na matapang akong babae kapag may gusto ako as long as alam kong tama ako, at wala akong sinasaktang ibang tao ay gagawin ko talaga kung anong gusto kong gawin."   Pagtatapat naman ng dalawa, sadyang malapit sila sa isa't isa dahil napag-uusapan nila ang lahat ng mga bagay nang walang pag-aalinlangan.   "Kasi 'pag nagkasama kami ni 'Yan, kung saan-saan nakakarating 'yong mga usapan namin na talagang kahit ano napag-uusapan namin seryoso, nakakatawa, lahat ng topic kaya naming pag-usapan. Siguro, doon na rin siguro nanggagaling 'yong chemistry naming dalawa," paliwanag ni Richard.   "Siguro dahil honest kami sa isa't isa. Wala kaming itinatago, personal man 'yan o sa trabaho kaya siguro nasasabi niya na ganun 'yong relationship namin bilang magkaibigan," dugtong naman ng aktres. Mapapanood sa mga sinehan ang My Lady Boss simula sa April 10 na. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News