John Prats, inatake umano ni Jason Francisco
Plano umano ng kampo ng aktor na si John Prats na magsampa ng reklamong physical injuries sa kapwa aktor na si Jason Francisco dahil sa pananapak nito sa una. Sa ulat ni Cesar Apolinario sa late night news Saksi sa GMA-7 nitong Huwebes, sinabi ni John na nagulat na lang siya nang bigla siyang pagsusuntukin ni Jason habang nagta-taping para sa isa nilang TV program na ginawa sa Greenhills, San Juan. Hindi na umano nagawang makaganti ni John dahil naawat na sila at nailayo na si Jason. "May naramdaman na lang akong sampal sa likod ko, dito... Oo ang lakas tapos sinapak ako dito, dito. Pagtayo ko siya, sabi ko anong nangyayari sa'yo? Tapos nang aatake na ako, nagkaawatan na," kwento ni John. Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan kung bakit inatake ni Jason si John, kapatid ng Kapuso star na si Camille Prats. Hindi rin alam ni John kung may kinalaman ang biruan nila ng kanyang co-star sa kanilang comedy show na si Melai Cantiveros kung saan nag-aasaran umano sila bilang bahagi ng kanilang pagpapatawa. Si Melai ay dating nobya ni Jason. Nagtungo sa police station ng San Juan si John para ipa-blotter ang nangyaring insidente. --- FRJImenez, GMA News