Patuloy ang natatamong kasikatan ng Pinoy rapper na si Raymond Abracosa o mas kilala bilang si Abra. Matapos makilala sa underground hiphop scene na Fliptop, nakabuo na rin siya ng album na umani ng mga parangal.

Si Abra sa Tonight With Arnold Clavio
Ang tema ng kanyang musika ay kapansin-pansin na patok sa masa. Kaya naman siguro marami ang hindi makapaniwala na lumaki sa marangyang buhay si Abra. "Hindi ko naman po siguro kasalanan 'yong kinalakihan ko at hindi ko rin naman pinipili kung sino, anong market catered 'yong music ko," seryosong paliwanag ni Abra nang maging guest sa GMA News TV show na Tonight With Arnold Clavio. Dagdag pa niya, "Nagkataon lang na sinuwerte ako na natanggap ng taong bayan ang aking musika. Hindi naman ako laki sa hirap, totoo lang. Pero alam ko ang karanasan ng bawat Pilipino. Dahil hindi naman ako ignorante sa sitwasyon ng bayan." Maliban sa kanyang awiting "Ilusyon," inihayag ni Abra na iniiwasan niya na magkomento at pag-usapan ang pulitika sa kanyang musika.
Biyahe ng musikero Nakapagtapos ng kolehiyo si Abra sa University of Asia and the Pacific sa kursong Management. Nang panahong iyon, nakatuon na ang oras ng rapper sa kanyang musika. "College mas focus ako sa music pero okay naman, naka-graduate naman ako on time," kwento niya kay Arnold. Sa kanyang karera bilang rapper, umani na si Abra iba't ibang parangal. Ang awitin niyang "Gayuma" ay kinilala bilang "Best Urban Video at Favorite Music video sa Myx Music Awards 2013. Nanalo rin ito bilang Best New Artist, Best Collaboration, at People's Choice Awards sa Wave 89.1 Urban Music Awards 2013. "Isang step paakyat ng hagdan pero hindi ko naisip na ito na, ito na 'yon. Kasi hindi natatapos ang biyahe ng isang musikero," paliwanag niya. Unang nakilala si Abra sa grupong Lyrically Deranged Poets (LPD), kung saan kasama niya ang mga kaibigan niya sa Colegio de San Agustin, ang paaralan kung saan siya nagtapos ng high school. Ayon kay Abra, "Binuo po namin 'yong grupo tapos parang nagustuhan po nung mga schoolmates namin, nagperform na kami sa mga school events hanggang sa pasukin namin yung underground hiphop scene."
"Bitter fans" Maraming kabataan sa bansa ang nahuhumaling sa panonood ng Fliptop. Sa katunayan, ang ibang mga video nito ay umabot na sa isang milyong views sa Youtube. Ayon kay Abra, "Siguro dahil nakakakita po sila ng isang bagay na gustong-gusto nilang gawin na hindi pangkaraniwan kasi nagra-rhyme lahat and may sense lahat. Pero bukod sa pang-aasar na katuwaan ng mga tao, nalagyan pa siya ng some form of art." Aminado naman siya na nakatanggap din siya ng hindi magagandang komento mula sa kanyang "bitter fans" o mga taong nagbibigay ng masasamang komento. "Bakla daw ako, 'yon yung generic na pang-asar sa'yo sa rap battle," natatawang kwento ni Abra. Matapos ang matagumpay niyang awiting "Gayuma," maglalabas ng dalawang bagong music video si Abra para sa awiting "Alab ng Puso" at "Ilusyon." Kasama rin siya sa mga local at international artist na magtatanghal sa "Araneta Dreams" na gaganapin sa April 9. --
Mac Macapendeg/FRJ, GMA News