'Kusina Master' at 'Pusong Pinoy Sa Amerika', nominado sa 19th NAMIC Vision Awards sa Amerika
Nominado ang Kapuso cooking program show na "Chef Boy Logro’s Kusina Master" sa 19th National Association for Multi-Ethnicity in Communications (NAMIC) Vision Awards para sa Lifestyle category. Nakakuha rin ng nominasyon ang GMA Pinoy TV show na "Pusong Pinoy Sa Amerika" (Into the Hearts of Filipinos in America) para sa Foreign Language category. “We welcome these nominations from NAMIC and are grateful for their continuous appreciation for our programs,” pahayag ni GMA Vice President and Head of International Operations Joseph T. Francia. Makakalaban ng "Kusina Master" sa nasabing nominasyon ang programang HGTV's "The High Low Project" (Scripps Networks Interactive), HGTV's "House Hunters" (Scripps Networks Interactive), at HGTV's "Home Strange Home" (Scripps Networks Interactive). Nominado naman para sa kategorya ng Foreign Language ang "Caras Del Odio" (Discovery En Español) at "Desamparados" (Discovery En Español). Nagsimulang umere sa buong mundo ang "Kusina Master" sa GMA Life TV noong Marso 2012, na napapanood sa GMA-7 sa Pilipinas. Samantala, ang "Pusong Pinoy Sa Amerika" ay nasa ika-walong season na kung saan si immigration lawyer Atty. Lou Tancinco ang host. Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakatanggap ng nominasyon ang GMA International, ang business unit ng Kapuso Network na namumuno sa international channels na GMA Pinoy TV, GMA Life TV and GMA News TV International. Naunang nakakuha ng nominasyon ang Mike Enriquez’s Review Philippines, na umere sa GMA Pinoy TV noong 2007. Idaraos ang gabi ng parangal sa darating na Mayo 23 (USA time) sa Pacific Design Center sa West Hollywood, California. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News