ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dennis Padilla, nagsalita tungkol sa 'photo scandal' ng ex-wife na si Marjorie Barretto


Kahit matagal nang hiwalay, nadawit pa rin ang pangalan ng actor-comedian na si Dennis Padilla sa paglabas ng photo scandal ng kanyang ex-wife na si Marjorie Barretto habang kasagsagan ng kampanya. Sa panayam na lumabas sa Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Dennis na ang mga anak nila ni Marjorie ang una niyang naisip nang kumalat sa internet ang nakakaiskandalong larawan ng kanyang dating asawa. "Siyempre sabi ko si Julia, si Daniella, si Claudia, si Leon, mga dalaga na may mga kaibigan. Sabi ko I hope na spare na lang nila yung mga bata," pahayag ni Dennis. "Tinext ko naman sina Julia sabi ko Julia 'wag ka nang makinig sa mga 'yan, magconcentrate sa studies and ganun talaga sa larangan ng pulitika maraming nasasaktan at maraming sinasaktan," dagdag pa niya. Taong 2007 nang kumpirmahin nila Dennis at Marjorie ang kanilang paghihiwalay sa showbiz columnist na si Ricky Lo, na isa rin sa mga host ng "Startalk." Sa katatapos na 2013 elections, muling sinubukan ni Dennis na pasukin ang pulitika sa pagtakbong Bokal sa lalawigan ng Laguna pero hindi siya pinalad. At sa kasagsagan din ng kampanya lumabas ang kontrobersiyal na larawan ni Marjorie, na nasundan ng paglabas ng isang liham sa Twitter na tila nais palabasin na ginawa ni Dennis. Sa ulat ng "Startalk" nitong Sabado, sinabing nakasaad sa liham na huwag iboto ang politikong iniuugnay kay Marjorie na dahilan umano ng pagkasira ng kanilang pamilya. Pero ayon kay Dennis, busy siya nang panahon iyon sa pangagampanya at natawa na lang siya nang malaman ang tungkol dito. Hindi na rin umano bago kay Dennis ang mga ganuong uri ng paninira sa panahon ng eleksiyon. Kaibigang si Raymart Dahil kilalang malapit na kaibigan niya si Raymart Santiago, inalam na rin ng "Startalk" kay Dennis kung may alam siya sa pinagdadaanan ng pagsasama nina Raymart at Claudine Barreto. "Respeto namin bilang magkaibigan, saka respeto bilang mga lalake, 'pag hindi ka nag-open, hindi kami nagtatanong," paliwanag ni Dennis. "So 'pag nag-open saka lang pwedeng magbigay ng advice. Pero kapag hindi hinihinga ang advice we keep it to ourselves. Alam mo yung katahimikan between friends na tunay na friends, yun ay mas malalim pa sa nag-uusap," dagdag niya.  - FRJimenez, GMA News