'Di paggamit ng 'Padilla' sa screen name ni Julia Barretto, bakit pinayagan ng amang si Dennis Padilla?
Ipinaliwanag ng actor-comedian na si Dennis Padilla kung bakit pinayagan niya ang anak na si Julia Barreto, na apelyido ng kanyang ex-wife na si Marjorie Barretto ang gamitin nito bilang screen name.
Sa unang paglabas pa lang ni Julia Barretto sa telebisyon, may pahintulot na umano si Dennis na hindi ang kanyang apelyidong "Padilla" ang gagamitin sa screen name ng batang aktres.
"Unang unang paglabas niya sa TV sabi nga nila Barretto ang gagamitin, sabi ko okey lang naman e, screen name 'yan e," pahayag ni Dennis sa Startalk TX nitong Sabado.
Naunawaan daw ito ni Dennis dahil tulad niya, hindi rin naman Padilla ang tunay niyang apelyido na ginagamit bilang screen name.
"Tulad ko, hindi naman ako totoong Padilla; dahil ako, ang totoo kong apelyido Baldivia," pagsisiwalat niya.
Ayon pa kay Dennis, ang kanyang namayapang ama na isa ring mahusay na aktor na si Dencio Padilla ay gumagamit din lang ng screen name.
Sinabi nito na ang tunay na pangalan ng kanyang ama na si Dencio Padilla ay Esteban Baldivia.
Hindi away ng mga bata
Tungkol sa iringan ng mga Barretto, sinabi ni Dennis na pinayuhan niya ang kanyang mga anak na huwag makisali sa away o tampuhan ng mga nakatatanda.
"Sabi ko kay Julia concentrate ka na lang sa work. Sabi ko yung away o tampuhan ng mga matatanda hindi naman kayo kasaling mga bata," paliwanag niya.
Dahil naging abala sa kampanya nitong nakaraang halalan kung saan tumakbo siyang Bokal sa lalawigan ng Laguna pero nabigo, sinabi ni Dennis na babawi siya sa kanyang mga anak para makasama ang mga ito. - FRJimenez, GMA News