ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Barbie Forteza, inilunsad ang bagong album; gaganap bilang Karen sa Anna Karenina


Bukod sa pagiging isa sa mga hinahangaang bituin ng Kapuso Network ngayong henerasyon— na bumida sa mga palabas tulad ng Paroa: Ang Kuwento ni Mariposa (2012), Luna Blanca: Book 2 (2012), Nita Negrita (2011), at Tween Academy: Class of 2012 (2011)— pinasok na rin ng tween actress na si Barbie Forteza ang pag-awit.

Nitong Linggo lamang, inilunsad ang 5-track album sa ilalim ng MCA Music ni Barbie na may isang orihinal na composition, ang "Wala Lang" at apat na covers— ang "Kapag Tumibok ang Puso," "Meron Ba?," "Upside Down," at "Laging Tapat" sa SM North The Block, Quezon City.



"Ever since bata ako, gusto ko na pong kumanta. Mahilig talaga akong kumanta, kahit saan kumakanta ako. Ngayon ko lang talaga masasabi na talagang kumakanta ako. Alam mo 'yong may album ako," pahayag ng aktres.

Gayundin, ang MCA Music na umano ang pumili ng mga kantang mapapasama sa kanyang album.

"Pinakita na po sa akin ng MCA ng naka line-up na [ang song selection]. So parang pina-approve na lang nila kung kaya ko— ang maganda po kasi sa MCA is pi-nush (push) nila ang limit ko," ani Barbie.

Dagdag pa nito, "Kahit hindi range ng boses ko— hindi ko range 'yong mga kantang 'yon dahil medyo nahihirapan nga po ako— feeling ko naniniwala sila sa'kin na kaya ko. In a way, kinaya ko naman."

Pag-amin pa ng aktres, bagama't simula kabataan pa lamang ay isa na sa mga hilig nito ang pag-awit, hindi pa rin umano naging madali para sa kanya ang pagkanta kaya sumabak ito sa voice lessons.

"Madugong voice lessons po ang kinailangan," biro ng aktres. "Actually hanggang ngayon, tuluy-tuloy pa rin po 'yong voice lessons ko kung walang taping or kung may free time talagang sinisingit ko po sa schedule ko 'yong voice lessons dahil kailangan talaga [pero] hindi lang para sa album."

Ayaw makumpara sa orihinal singers

Ang mga cover songs ni Barbie sa kanyang album ay orihinal na itinanghal nina Donna Cruz (Kapag Tumibok ang Puso), Jolina Magdangal (Laging Tapat), at Nikki Valdez (Meron Ba?)— mga dalagang mang-aawit rin nang lumabas ang kanilang bersyon.

Ayon kay Barbie, bagama't hindi maiiwasan, kung maaari sana'y huwag itong ikumpara sa tatlong singers dahil aminado naman itong iba ang kanyang bersyon kumpara sa orihinal.

"Ang sa akin lang po, tuwang-tuwa ako dahil meron akong album, very unexpected, very unbelievable 'yong nangyayari ngayon," batid nito.

Ang tagumpay ni Barbie Forteza

Bagama't kilala na sa bansa si Barbie na bilang isang magaling na aktres at may magandang takbo ng pamumuhay, hindi pa rin nito nalilimutan ang pagkakaroon ng magandang kalooban.

Kwento pa nito, "Kahit papaano ramdam ko 'yong ginagawa ko, ramdam ko kahit papaano 'yong success dahil medyo nagbabago na rin naman 'yong buhay ko. Nabibili ko na 'yong mga gusto ko, nabibili ko 'yong mga gusto ng magulang ko."

"Parang nagagawa ko lahat ng gusto ko para sa pamilya ko, para sa sarili ko pero hindi na para ikalaki ng ego ko. Kumbaga 'yon lang, napapansin ko lang dahil nagbabago na 'yong buhay namin," dagdag ni Barbie.

"Nailipat ko 'yong family namin dito sa Manila, nakabili kami ng van and masaya naman kami dahil araw-araw okay naman 'yong kinakain namin. May mga kaartehan ako sa buhay na afford ko naman."

Bukod pa rito, ayaw pa munang namnamin ng aktres ang natatamong kasikatan dahil ayaw muna nitong tumigil sa pagpapabuti ng kanyang karera bilang aktres.

"Kung lumalaki ang ulo, hindi naman ako ang dapat magsabi non kundi 'yong mga tao na nasa paligid ko," aniya.

"Para sa akin kasi ayaw ko muna paabutin sa ganon kasi kung mararamdaman ko nang successful ako, baka tumigil ako ng pagpu-push. Mas maganda 'yong tuluy-tuloy— 'yong hindi ako nakukuntento sa status ko," saad nito.

Nagpapasalamat sa Kapuso Network

Makikita na sa iba't ibang mga gusali sa Pilipinas ang litrato ng aktres sa billboards. At lingid sa kaalaman ng marami, ang palabas nitong Pilyang Kerubin (2010) ang kauna-unahang billboard na nakita niyang kasama siya.

"Ginusto ko maging artista pero hindi ko laam na aabot sa ganito ka seryoso na talaga. Tuwang-tuwa kami talaga noong una naming nakita 'yon," pag-amin nito.

Kaya naman, pinagpapatuloy nitong paghusayin ang kanyang talento sa pagpapasaya ng mga tagahanga. Gayundin, patuloy din ang pasasalamat niya sa GMA, ang network kung saan ito nagsimula at nakilala.

"Talagang ever since nag take ng risk ang GMA na talagang medyo i-push 'yong love team namin ni Joshua [Dionisio] which doon naman talaga nagsimula lahat hanggang sa kahit pinagpatuloy ni Joshua 'yong studies niya, nandoon pa rin 'yong GMA sa likod, hindi pa rin nila ako pinapabayaan. Kaya very thankful ako," pasasalamat nito.

Anna Karenina

Kasalukuyang napapanood ang aktres bilang si Karen sa remake ng "Anna Karenina" sa Primetime slot ng GMA -7 kasama ang iba pang home-grown talents na sina Krystal Reyes bilang Anna at Joyce Ching bilang Nina.

"Hindi na po kami nakapanood nong original pero feeling ko po, ang binago nila— parang mas ginawa nilang modern, mas tinama nila sa panahon ngayon. 'Yong mga takbo ng isip ng kabataan ngayon, kasi siyempre iba 'yong mga kabataan dati," ani Barbie.

Ito ay unang pinagbidahan nina Antoinette Taus (Anna), Sunshine Dizon (Karen), at Kim delos Santos (Nina).

"'Yong role ko bilang Karen, sa sobrang lokaret niya everytime na nakikita niya si Aldrin [papel ni Derrick Monasterio], literal na nahihimatay siya. Akala ko nong story conference, term lang nila 'yon na ganon ka-oa [over acting] dapat 'yong kilig. Literal pala akong nahihimatay," kwento nito.



Dagdag pa ni Barbie, "Kapag ginagawa ko 'yong eksena, ang hirap magpigil ng tawa ng nakapikit ka at alam mong nakatingin siya sayo. Kaya ang hirap magpigil ng tawa."

Samantala, madali raw naiugnay ang kanyang sarili sa kanyang karakter. Gumaganap siya rito bilang isang "babaeng bakla" na lumaki sa hirap.

"Dahil hindi naman ako seryoso pagdating sa mga bagay, kumbaga hindi ako madaling naaapektuhan sa mga problema. Actually, minsan kahit medyo malalim na 'yong problema dini-deadma [hindi pinapansin] ko pa rin. Ayaw ko kasi ng bad vibes, parang gusto ko parati masaya," saad ng tween star.

Anna Karenina sa Mind Museum

Nitong Mayo 28, tumungo ang mga bida ng Anna Karenina na sina Joyce Ching, Barbie Forteza at Krystal Reyes sa Children’s Hour at the Mind Museum kasama ang 220 na kabataan upang pasayahin sila.

“Basta isipin niyo lang na kaya 'nyo 'yan sa kahit anong pinagdadaanan 'nyo sa buhay,” ani Barbie sa mga kabataan. — BM, GMA News

Top photo by Mac Macapendeg