ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Charice reveals Donna Cruz was her first celebrity crush


Ikinuwento ng Pinay international singer na si Charice na limang-taong-gulang pa lang siya nang nararamdaman niya ang pagiging tomboy. Kasabay nito, isiniwalat din niya kung sinong Pinay celebrity ang kauna-unahan niyang naging crush. Sa panayam nina Arnold Clavio at Suzi Entrata-Abrera sa Unang Hirit nitong Biyernes, sinabi ni Charice na limang-taong-gulang siya nang maramdaman niya ang kanyang pagiging tomboy. Pero 13-anyos na siya nang maikwento niya sa iba ang kanyang tunay na sexual preference. At kahit minsan, hindi raw siya nagkaroon ng interes sa mga lalaki. Sa mga babaeng celebrity, sinabi ni Charice na ang singer na si Donna Cruz ang naging kauna-unahan niyang crush, at sumunod na dito si Sarah Geronimo. Inamin din niya na noong una ay nagkaroon siya ng pangamba sa gagawing pag-amin na isa siyang tomboy dahil na rin sa mga paalala ng ilang kaibigan na baka maapektuhan ang kanyang imahe at career. Pero sa huli, sariling desisyon umano niya ang nanaig sa ginawang paglantad. "Marami pong nagsabi sa akin nun (na baka maapektuhan ang career). Actually naisip ko naman po 'yon nang matagal na, pero since marami po nagsabi sa akin ng ganun siyempre parang natakot po ako," paliwanag ni Charice. Idinagdag niya na ang takot na iyon ang nagpalakas din ng kanyang loob na ilantad na ang totoong pagkatao dahil hindi na siya kumportable na iniisip ang mangyayari sa kanyang career. "At na-realize ko na siguro ito na yung best time kasi before po ako mag-come out, lumalabas ako ng bahay, nagmo-mall ako ganyan, ang dami ko pong nakikitang mga tao na ganito na yung itsura ko pero hindi naman po nagbabago yung tingin nila sa akin," patuloy niya. Labis naman ang pasasalamat ni Charice dahil sa nakikitang pagtanggap sa kanya ng publiko at wala naman daw nawala o nagbago sa mga gagawin niyang proyekto. Ikinuwento rin niya na naiyak siya nang ipagupit ang mahabang buhok dahil naramdaman niya ang kalayaan sa kanyang pagkatao. Ayon kay Charice, hiniling niya sa naggupit na putulin sa isang gupitan lang ang kanyang buhok na kanyang idinonate (donate). Idinagdag ng Pinay international  celebrity na wala siyang pinagsisihan sa ginawang pag-amin na siya isang lesbian. -- FRJimenez, GMA News

Tags: charice