Pang good vibes sa umaga ang 'With A Smile,' ayon kay Christian Bautista
Tiniyak ng Asia's romantic balladeer na si Christian Bautista na "good vibes" ang hatid sa mga manonood ng bagong Kapuso series na "With A Smile," na mapapanood tuwing umaga sa GMA-7. Ang bagong Kapuso series na pinagbibidahan nina Christian, Mikael Daez at Andrea Torres ay mapapanood simula sa Hunyo 24, sa ganap na 10:45 ng umaga. "Walang kontrabida, 'yong mga life circumstances, you know, the good and the bad, 'yon ang hina-handle naming lahat. It's a show about values, real life and we want to be positive," paliwanag ni Christian sa pagsalang sa "Celebrity Hot Seat" segment ng Unang Hirit nitong Martes. Dagdag ni Christian, "It's light. It talks about the different characters ng bawat character pero laging nare-resolve with a smile. Be positive [and] change for the better. Huwag na muna tayong magpatayan, good vibes muna." Isiniwalat din ng singer-actor na pinagpalit ng producer ng show ang karakter na dapat sanang gagampanan nila ni Mikael. "Meron kaming two character, tapos akala ko I will get his character and I thought he will get mine. So, nung nag-audition kami with Andrea, nagdecide yung mga producer na i-switch [ang characters namin,] mas bumagay," kuwento ni Christian. Ayon pa kay Christian, sa audition pa lamang daw ng show ay naging "click" na agad ang kanilang pagsasamang tatlo. "First time kaming nagkatrabaho sa audition ng show na 'to at parang, hindi 'to showbiz pero click agad pati si Mikael click agad," kwento niya. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News