Sef Cadayona at Yassi Pressman, may inamin sa 'Tim Yap Show;' 'Kaleidoscope World' movie, hango sa musika ni Francis M.
Bibida ang Kapuso stars na sina Sef Cadayona at Yassi Pressman sa dance-themed indie film na "Kaleidoscope World." Hango ito sa musika ng namayapang "Master Rapper" na si Francis Magalona. "It's the first dance indie movie and it's inspired by all of Francis Magalona's songs. It's that strong. We really love the story and we're trying really hard to give it to you guys as well as we want it to be and as well as we think it should be," paliwanag ni Yassi sa panayam ng GMA-7 late-night talk show na "The Tim Yap Show."
Ayon kay Yassi, bagaman sumasayaw na siya noong bata pa, mas natuto at mas minahal nito ang pagsasayaw nang sumabak siya sa dating Sunday variety show ng GMA-7 na "SOP" at "Party Pilipinas." Nagsimula si Yassi bilang isang singer pero matagal na raw niyang hilig ang pagsasayaw. Kwento pa ni Yassi, "I didn't know na I could dance nang ganito. Siyempre, Party Pilipinas trained us and of course dancing with people like Sef, like Mark, mga seniors, meron ka talagang makukuha sa kanila. You'll really learn every week." Ayon naman sa host na si Tim Yap, tila "possessed" raw si Sef tuwing nagtatanghal ito sa entablado. Paliwanag ni Sef, "Kasi iba yung binibigay na aura ng stage tapos yung lakas ng tugtog. Alam mo yung feeling 'pag nandoon ka na lang tapos sabihin ito na, freestyle mo na... Mawawala ka, eh." "Siguro kasi, one thing I'm a big fan of music itself. Kahit sino alam nila na kapag wala akong kausap, nakikinig lang ako ng nakikinig ng bago o lumang [music.] Hanggang sa 'pag nasa rehearsal ako, lalagyan ko lang siya ng sayaw," dagdag pa niya. Bukod pa rito, tinanong naman ni Tim kung paano tinatrato ang tensiyon sa kanilang dalawa tuwing sumasayaw sila, partikular na kung magkasama at magkalapit silang dalawa. "For us, kapag nabibigyan kami ng spot na partnering, may something lang talaga sa'min na we wanna make it work. Kaya sometimes up late na kami sa rehearsal just trying to perfect it para malaman kung ano ang hitsura niya na hindi bastos but at the same time appealing," paliwanag ni Sef. Special relationship Samantala, ang kanilang pagsasama ay hindi na lang totoo sa dance floor kundi maging sa totoong buhay. Sa naturang show ni Tim Yap, inamin ng dalawa na mayroong "special relationship" na namamagitan sa kanila. Ayon kay Sef, nahulog ang loob niya kay Yassi nang magkasama sila sa Party Pilipinas. Pero mas naging malapit daw sila sa isa't isa sa Sayaw Pilipinas. Sa isang bahagi ng programa, tinanong si Sef kung saan mapupunta ang P20 nito kung lalabas o magdi-date silang dalawa ni Yassi. Sagot ng aktor, rosas daw ang bibilhin niya para sa aktres. "He's such a sweet guy and siguro a lot of people know," sambit naman ng dalaga. Kasalukuyang napapanood si Sef sa sitcom na "Vampire ang Daddy Ko," at pareho naman silang napapanood ni Yassi sa bagong Sunday variety show na "Sunday All Stars." - MMacapendeg/FRJ, GMA News