Cosplayer Alodia Gosiengfiao, nagpa-sexy sa FHM; nilinaw din ang isyu tungkol sa kanila ni Chris Tiu
Cover girl na rin ng isang kilalang men's magazine ang cosplayer (costume player) na si Alodia Gosiengfiao. Kasabay nito, nilinaw din niya ang isyu tungkol sa romantikong pag-uugnay sa kanila ng Kapuso host na si Chris Tiu. Matapos ang matagal na panliligaw, napapayag na si Alodia na maging cover girl ng FHM para sa kanilang July issue. Tumanggi daw si Alodia noon na mag-pose sa magazine dahil nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Kasabay nito, itinanggi rin ni Alodia ang usap-usapan na nagli-link sa kanila ni Chris Tiu, na host ng programang iBilib ng GMA-7. Paliwanag ni Alodia, matagal na silang magkaibigan ni Chris at nagkakilala sila noon pa na may kaugnayan sa negosyo. Bukod sa may nobya si Chris, mayroon din namang businessman boyfriend si Alodia. - FRJ, GMA News