ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joseph Bitangcol, nilinaw ang isyu tungkol sa kontrobersiyal na pagkakakita sa kanya sa loob ng kotse


Nagsalita na ang aktor na si Joseph Bitangcol tungkol sa lumabas na isyu na nakita siyang "walang malay" sa loob ng nakaparada niyang kotse na hinihinalang dahil sa sobrang kalasingan o iligal na droga. Sa panayam ni Lolit Solis na ipinalabas sa "Startalk TX" nitong Sabado, nilinaw ni Joseph na hindi siya gumagamit ng iligal na droga. Gayunman, inamin nito na nakainom siya ng kaunti nang makitang "natutulog" sa loob ng kanyang kotse. Paliwanag pa ng aktor, labis na pagod mula sa malayong biyahe at trabaho ang dahilan kaya nakatulog siya sa loob ng kotse sa alanganing lugar. Basahin: Aktor na si Joseph Bitangcol ligtas na pero posibleng operahan "Galing ho ako ng biyahe sa Isabela, 'yon mga eight hours drive. Pero before pa nun galing po akong shooting ng indie film so medyo dire-diretso po," kuwento ni Joseph. "Pero 'yon nga, yung nakita nila kasi...opo medyo nakainom ako dumaan pa ko ng birthday ng friend ko pero sobrang konti lang. Sobrang pagod ho parang nagdecide ako na mag-park dito," patuloy niya. Ayon pa kay Joseph, balak sana niyang bumili ng tubig kaya tumigil pero nakatulog na siya bago pa man makababa. Habang natutulog, inakala umano ng aktor na nasa bahay na siya kaya naibaba niya ang kanyang pantalon. Patuloy pa ni Joseph, batid niya na delikado na ang bumiyahe nang sandaling iyon at naisip din ang kinasangkutang aksidente noong 2011 na kamuntik na niyang ikamatay. Hindi naman niya ikinaila kay Manay Lolit na nangamba siya na baka may nakakuha sa kanya ng larawan sa sitwasyon niya sa loob ng kotse at maging negatibong isyu sa kanya. Inusisa rin ni Manay Lolit kung gumagamit siya ng bawal na gamot na mabilis namang itinanggi ng aktor. Nang magising, sinabi ni Joseph na kaagad na siyang umuwi. Bagaman kaya na umano niyang magmaneho dahil nakapagpahinga na, pumayag na siyang magpahatid sa taong umalalay sa kanya sa lugar. Itinuturing daw ng aktor na leksiyon ang mga negatibong nangyayari sa kanya at nangakong hindi na muling magkakamali. Dahil kay Sandara Park Inamin din ni Joseph na nag-iba ang takbo ng kanyang career mula nang mabuwag ang love team nila ni Sandara Park, na miyembro na ngayon ng isang K-Pop group. Kahit papaano naman daw ay nagkakaroon pa rin sila ng komunikasyon ni Sandara sa pamamagitan ng mga social networking site. Basahin: Joseph Bitangcol confirms breakup with Sandara Nagkikita rin umano sila nito kapag nasa bansa kasama ang ilang mga dating kasama sa showbiz. Sa tanong ni Manay Lolit kung may boyfriend na si Sandara, sinabi ni Joseph na ang pagkakaalam niya ay wala pa dahil naka-focus ito sa career. Kaya naman sinundan ito ng tanong ni Manay Lolit na, "bakit hindi mo ligawan?" "Di po natin masasabi... sa tamang oras," nakangiting tugon ng binata. -- FRJimenez, GMA News