ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Julie Anne San Jose: From Superbass cover to Quadruple Platinum album


Mula nang sumali ito sa QTV talent search show na "Popstar Kids" noong 2006,malayo na ang narating ng talented young singer-actress na si Julie Anne San Jose. Matapos nga ang kanyang pagsali "Popstar Kids," hindi na pinakawalan ni Julie Anne ang pagkakataong makamit ang kanyang pangarap na maging isang mang-aawit. Katunayan, kabilang ang pangalang Julie Anne San Jose sa mga pinakamagaling na mang-aawit ng kasalukuyang henerasyon. Kinilala na rin siya ng Guillermo Mendoza Memorial Awards bilang Most Promising Loveteam kasama si Elmo Magalona (2011), at bilang Most Promising Female Singer (2012).  Sa 60th Famas Award, ginawaran siya ng German Moreno Youth Achievement Award (2012); Yes Mag Most Influential Celebrity on Social Media (2012); Yes Mag 100 Most Beautiful Stars (2012); at marami pang iba. Sa panayam ng GMA News Online kay Julie Anne sa nakaraang "Connect: The GMA Artist Center Digital Media Launch," ibinahagi niya ang kanyang karanasan mula sa pagiging YouTube sensation, hanggang sa pagkakabuo ng tandem nila ni Elmo Magalona na "JuliElmo;" ang pagdaraos ng kanyang first major concert,  at ang pagkaroon ng quadruple platinum album. Muntik nang sumuko Lingid sa kaalaman ng marami, muntik nang huminto si Julie Anne sa kanyang pag-aartista. Ayon sa kanya, tila wala raw kasing nangyayari sa kanyang career noong simula at hindi rin pabor ang kanyang ama sa napiling propesyon. Kuwento niya, "Siyempre, sobrang hardwork lang talaga and kailangan ng patience. Kasi I've been in the showbiz industry for almost six years and then before parang gusto ko nang mag-quit kasi parang walang nangyayari." Hindi rin kaagad pumayag ang kanyang pamilya -- partikular na ang ama -- na pasukin nitio ang show business dahil gusto nilang makatapos muna siya ng pag-aaral. "Nung nakita naman niya na everything is going well naman, yung support pa rin ng parents ko sa'kin and siyempre 'yung family ko, mga supporters ko parang nandoon na, siyempre ipagpapatuloy ko na lang din," ayon kay Julie Anne. Dahil lumaki siya sa konserbatibong pamilya, isa raw sa mga dahilan kung bakit hindi agad sumang-ayon ang kanyang ama sa desisyon nitong maging artista ay dahil umano sa mga intriga na bahagi na ng kanilang trabaho. Ngunit dahil pursigido ito na makamit ang kanyang pangarap sa showbiz, napapayag nito ang ama dahil sa isang kasunduan -- pagsasabayin ang show business at pag-aaral.   "Kasi I joined 'Popstar Kids' and parang nandoon ka na, parang ayaw mo nang kumawala," aniya. "I was really enjoying myself that time and we made a deal na pagsasabayin ko yung pag-aaral ko at saka yung work. Nakumbinsi naman ang kanyang ama dahil nakita nitong consistent naman ang matataas na grades ng anak. Kasalukuyang nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Julie Anne sa Angelicum College sa kursong AB-Communication Arts at isa raw ito sa pinakamasayang karanasan niya sa buhay. Julie Anne the rapper Marami ang nakapansin kay Julie Anne nang lumabas ang kanyang YouTube video noong July 2011 kung saan inawit niya ang hit-song ni Nicki Minaj na "Supar Bass." "Siguro 'yon yung pinaka-turning point ng career ko na parang doon ako nakilala lalo, and siyempre if it wasn't for my YouTube videos, parang wala ako ngayon dito," pahayag niya. Dahil din umano sa mga performance niya sa Party Pilipinas, lalong nahasa ang kanyang abilidad sa pagra-rap.   Being a celebrity Sa idinaos na GMA Artist Center event kamakailan, kapansin-pansin na kaliwa't kanan ang mga bisitang humihiling na magpakuha ng larawan na kasama ang Kapuso young singer-actress. "Ito ang isa sa mga sarap ng celebrities na parang yung mga tao nakikilala ka, parang they recognize you. They notice you," pahayag ni Julie Anne.  "Siyempre, lahat ng attention ng mga tao napupunta sa'yo tapos gusto magpa-picture sa'yo." Patuloy pa niya, "As a Kapuso artist naman, thankful ako sa GMA dahil binibigyan ako ng network ng maraming opportunities and sobrang blessed din talaga ako and thankful ako kay Lord." Isa sa patunay na household name na si Julie Anne at may malawak na fan base ay ang linggu-linggong pagiging trending topics sa Twitter ang "JuliElmo" sa kanilang dating show na "Party Pilipinas." "Sobrang importante talaga ang fans and supporters ko. You really have to make them feel na importante sila sa'yo kasi hindi bihira ang gumawa ng maraming effort and magbigay ng maraming oras para sa'yo," paliwanag ng dalaga. "You really have to give back what they deserve. Kumbaga, alam mo sa sarili mo na dahil sa sobrang pasasalamat mo sa kanila, siyempre you have to give back the happiness and 'yong importance nila sa'yo," dagdag niya. JuliElmo at Sunday All Stars Dahil hindi kasama si Elmo Magalona sa "Sunday All Stars" (SAS) na pumalit sa "Party Pilipinas,"  tila naging tahimik ang tandem na "JuliElmo."
"I think si Elmo, isa siya sa mga reasons kung bakit minamahal ng mga tao yung show [Party Pilipinas] and of course parang hindi naman mangyayari 'yon without the help of the production team and doon sa pagbu-build up nga sa kanya," ayon kay Julie Anne. Naunang minahal ang "rap and rhythm" tandem ng JuliElmo sa "Party Pilipinas." Kaya naman nalulungkot ang ilan na hindi na sila nakikitang magkasama sa "SAS." Gayunpaman, dahil abala rin ang binata sa kanyang trabaho, hindi alam ni Julie Anne kung ipagpapatuloy pa ng management ang tambalan nila ni Elmo. Ayon pa kay Julie Anne, "As his ka-tandem, doon talaga kami nag-start sa 'Party Pilipinas' and minahal ng fans. Hindi ko alam kasi baka may iba siyang ginagawa or busy siya. It's still up to the management if they're going to continue our tandem." Lubos naman ang pasasalamat ni Julie Anne sa magandang pagtanggap ng mga tao sa bagong Sunday show na "SAS" kaya patuloy lang daw niyang pinaghuhusayan ang kanyang trabaho. "Nakasanayan ko na rin na every time na magkakaroon ako ng show, I have to give my best shot and siyempre I have to keep the people entertained. Doon masusukat ng mga tao ang versatility mo as a singer but not only as a singer but as a celebrity na rin," paliwanag niya. Bilang aktres Bukod sa husay sa pag-awit, kilala rin si Julie Anne bilang mahusay na Kapuso tween actress. Bumida na siya sa kanyang kauna-unahang lead role sa pelikulang "Just One Summer" (2012), at nakasama rin sa mga pelikulang "My Kontrabida Girl" (2012) at "Tween Academy: Class of 2012" (2011). Napanood din ito sa telebisyon bilang si Toyang sa "Together Forever" (2012), Mira sa "Tween Hearts" (2012), Marga sa "Daldalita" (2011), Claudette sa "Gaano Kadalas ang Minsan" (2008), at sa ilang episodes ng "Maynila." Pero ayon kay Julie Anne, "I don't want to call myself an actress yet kasi I still have a lot to learn and explore as an actress." "And siyempre, gusto ko rin kasing mag-innovate din ng bago na pwede kong ma-acquire sa sarili ko and pwede kong i-share sa mga tao," dagdag nita Julie Anne: It's My Time Maituturing first major concert ni Julie Anne ang "Julie Anne: It's My Time" na idinaos sa Music Museum kasabay ng kanyang kaarawan nitong nakaraang Mayo, sa direksyon ni Rico Gutierrez. Basahin: Julie Anne San Jose on 1st big concert: 'Through the songs, they will find out more about me' "Sobrang memorable lang ng experience kasi iba yung Julie Anne na nakikita nila from 'Party Pilipinas' every Sunday na pa tweetums-tweetums," sambit niya. "Parang ang naisip namin na gawin na mas ako, mas natural as possible, and parang the different side of me; na parang nakita mo siya on stage 'si Julie Anne, it's my time, parang si Julie Anne na yan.' Ang ganda lang ng vibe nung concert talaga," patuloy niya. Kaya naman nagpapasalamat si Julie Anne sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at tagahanga dahil sa natamong tagumpay. "Sobrang thankful din ako na nagkaroon din ako ng ganung klaseng experience kasi sobrang intimate ng relationship ko with my supporters, ayon, nakakakilabot lang," aniya. Quadruple Platinum Album Bukod sa magandang takbo ng showbiz career, naging matagumpay din ang kauna-unahang self-titled album ni Julie Anne, na naging quadruple platinum na kamakailan matapos ilabas noong 2012. "I wasn't really expecting na aabot sa quadruple platinum yung status ng album ko," pag-amin niya. "Parang it's more than enough for me kasi yung pagiging singer ko na isang pangarap lang na magkaroon ng album tapos okay na maging gold, and then naging platinum na. Parang hindi ko talaga ini-expect na aabot sa ganito. Sobrang saya." Ang awitin nitong "I'll Be There," na tampok sa pelikulang "Just One Summer" kasama si Elmo, ay naging matagumpay rin nang ilabas sa YouTube. Nang i-post ang video ng single noong July 2012, nagkaroon kaagad ito ng 42,000 views sa Youtube sa loob lang ng dalawang araw. Kasalukuyang napapanood si Julie Anne sa "Sunday All Stars" tuwing Linggo sa GMA Network. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News