'Diskarte' ng Pinoy, nagamit ni Jonathan Yabut para makapasok sa Final 2 ng 'The Apprentice Asia'
Naniniwala si Jonathan Yabut na nagamit niya ang "diskarte" ng Pinoy para makapasok sa Final 2 ng sikat na reality show na, "The Apprentice Asia." Sa exclusive interview ng GMA News kay Yabut na ipinalabas sa GMA-7 news program "Saksi" nitong Huwebes, sinabi nito na noon pa man ay pangarap na niyang makasali sa nasabing reality show. "Sobrang pangarap ko po, nung college pa lang ako sobrang fan na ako ng show... sobrang saya 'di makapaniwala," pahayag ni Yabut nang makapanayam, isang araw matapos ianunsiyo na pasok siya sa final two. Karibal ni Yabut sa titulo bilang The Apprentice na pipiliin ng businessman na si Tony Fernandes si Andrea Loh Ern-Yu ng Singapore. Hindi biro ang pinagdaanan ni Yabut para makarating sa huling bahagi ng reality show. Umaabot sa 30,000 ang nag-audition, at 12 silang nagpagalingan sa mga task at interview hanggang sa matira silang dalawa ni Yu. Nang tanungin kung nakatulong sa kanya ang pagiging Pinoy, tugon niya, "Mayroon akong isang favorite word sa tagalog na wala siyang counterpart sa English at 'yon ang salitang diskarte." Patuloy niya, "When you say kasi diskarte, kanya-kanyang istilo para mabigyan ng solusyon ang isang problema." Maaaring suportahan si Yabut sa huling bahagi ng kompetisyon sa pamamagitan ng pagbisita sa website na www.theapprenticeasia.com o gamitin ang hashtag na #AAJON sa Twitter. -- FRJImenez, GMA News