
Marami ang pumupuri sa mahusay na pagganap ng Kapuso actor na si Dennis Trillo sa kanyang role bilang si Eric del Mundo, isang baklang nagmamahal sa isang lalaking may sarili ng pamilya sa GMA hit TV show na "My Husband's Lover." Ilan sa mga katangiang ipinapakita ni Eric sa serye ay ang pagiging effeminate, isang lalaki na nangingibabaw ang pambabaeng katangian, kinagawian, at kaugalian, gayundin ang pagmamahal na walang limitasyon kahit masaktan ang sarili o makasakit ng iba para sa minamahal na si Vincent, na ginagampanan ni Tom Rodriguez. "Bilang artista 'yon yung trabaho namin manggaya, magpretend, ganon lang," pahayag ni Dennis. "Siguro magaling lang akong manggaya ng mga taong napapanood ko, nasa paligid ko sa araw-araw." Pero bago pa man siya maging si Eric sa nabanggit na TV series, nauna nang gumanap na bakla si Dennis bilang si "Ignacio" sa 2004 Metro Manila Film Festival movie na "Aishite Imasu 1941." At kahit pangalawang pagkakataon na ito ni Dennis na gumanap bilang bakla, sinabi ng aktor na pinag-aralan pa rin niya ang role sa
My Husband's Lover dahil iba si Eric kay Ignacio. "Ibang level ng kabadingan so, siguro hindi rin basta-basta pwede ka na lang magbading. Kailangan din siguro tingnan mo, pag-aralan mo kung anong klaseng bading talaga yung gusto makita ng tao," aniya.
Pag-intindi sa mga bakla Dahil sa
My Husband's Lover, sinabi ni Dennis na mas lumawak na ngayon ang pang-unawa niya sa mga bakla. "Siguro mas lumawak lang din yung pag-unawa ko. Dati kasi medyo mahirap tanggapin sa totoo lang," pahayag ng aktor nang tanungin kung papaano nagbago ang kanyang pag-unawa sa mga bakla ngayong ginagampanan niya ang karakter ni Eric na hindi lantad ang pagiging bakla. "Pero since ito yung ginagawa namin, kailangan namin ng mas malaking pag-uunawa at kailangan maintindihan namin ng mabuti kung ano talaga yung nangyayari sa relasyon ng lalaki sa lalaki," dagdag niya. Dahil din umano sa karakter ni Eric, mas naunawaan niya ang pakiramdam ng pagmamahalan ng dalawang lalaki. "Narealize namin na kung ano yung nararamdam ng dalawang lalaki kung nandoon sila sa isang relasyon, ganun din yung nararamdaman ng lalaki at babae sa isang relasyon. Basta kailangan lang mai-highlight kung ano yung totoong naramdaman. Kumbaga ipinapakita naman dito sa show yung love at its purest form," paliwanag niya. "Kaya naging madali na nung naunawaan namin 'yon, naging madali na tanggapin yung ganitong klaseng kwento, yun ganitong klaseng relasyon," patuloy ng aktor.
Si Eric ay si Dennis Pagtatapat ni Dennis, may mga katangian ang karakter niyang si Eric na hindi nalalayo sa kanya sa totoong buhay tulad ng sensitibo at malapit sa ina. "Katulad ni Eric, sensitive din ako na tao kaya rin siguro hindi ako nahirapan i-portray ang ganong klaseng karakter," aniya. "Malapit din ako sa nanay ko, parang same relationship, same closeness katulad ni Eric at nung nanay niya." At gaya ng kanyang karakter na si Eric na labis na nagmamahal kay Vincent, sinabi ni Dennis na mayroon din siyang "you and me against the world" love story sa tunay na buhay. "Well ako, based sa mga past relationships ko siguro, well nagkaroon din ako ng relasyon na ganon dati na parang you and me against the world. Siguro from there, nakaka-relate ako sa kanya (Eric), alam ko na kung anong klaseng sitwasyon 'yon," paliwanag ng Kapuso actor. Tulad ni Eric, kaya din bang gawin ni Dennis ang lahat para sa taong mahal niya? "Hindi ako yung talagang martyr na tao lalo na pagdating sa relasyon, pero alam ko naman kapag dumating ako doon sa punto na nagmamahal na ako at saka umiibig. Pero yung sukatan ng mga ginagawa, hindi importante sa'kin 'yon kasi," paliwanag niya. Patuloy pa ni Dennis, "Una, hindi naman ito paligsahan, ang importante 'yong totoong nararamdaman mo, ipinapakita mo yung totoo mo, yung mga ginagawang special na bagay, nandoon na 'yon. Pero ang importante, sincere ka talaga doon sa tao, doon sa relasyon mo."
Gay Marriage Isa sa mga usapin na ipinaglalaban ng gays, lesbians, bisexuals, and transgender (LGBT) community sa buong mundo ay ang same-sex marriage. Kamakailan lang ay
inaprubahan na ang gay marriage sa ilang estado sa Estados Unidos, England at Wales. Wala naman daw nakikitang masama si Dennis tungkol sa pagpapahintulot na ikasal ang nagmamahalan na pareho ang kasarian.
"Iba na kasi yung mga tao ngayon. Sa ibang bansa kaya mas nagiging asensado sila dahil sa pagiging liberal nila. Siguro, para maging maunlad at maging masaya 'yong mga tao sa isang bansa, kailangan muna nilang maging malaya," ayon kay Dennis. "Alam ko maraming magre-react, well para sa akin siguro hindi naman masama na, alam mo 'yon, kung sakaling ma-approve nila yung same sex marriage. Kasi ito na yung ginagawa namin sa TV so palagay ko para sa akin, okay lang, walang problema doon," pagtatapos niya. --
Mac Macapendeg/FRJ, GMA News