ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Dion Ignacio, hinubog ng panahon at karanasan sa buhay
By Mac Macapendeg, GMA News Online
Edad 17 lamang noon ang Kapuso actor na si Dion Ignacio nang subukan niyang pasukin ang mundo ng show business sa unang season ng GMA reality talent search na "StarStruck" (2003) kung saan napasama siya Top 6. "Yung 'StarStruck' sobrang hindi ko ini-expect. Akala ko after lang nung contest tapos na," ani Dion. "Yun pala magdire-diretso tapos inalagaan ko na lang kung papaano yung sistema dito sa showbiz." Hingid sa kaalaman ng marami, nadiskubre ang 17-anyos na tubong Siniloan, Laguna sa isang public pool sa Paqui, Laguna. Ang dating Taliba editor na si Leo Bukas, na siyang nakadiskubre sa kanya ang nag-udyok kay Dion na subukan ang pagiging ramp model. Dahil na rin sa kakulangan sa pera at sa panahong nasa Maynila ang aktor tuwing bakasyon, pinasok ni Dion ang pagiging modelo kung saan pinalad din itong manalo sa modelling contest na "Circle of 10 Image Model Search" noong 2003. "Parang naisip ko sige magra-ramp modelling ako dito sa Manila. Tapos nanalo ako. Tapos dahil reporter si Tito Leo, marami silang connection sa showbiz, pinasok nila ako sa 'StarStruck.' Tapos dire-diretso na, hindi ko akalain ganito mangyayari, sobrang blessing," pag-alala ni Dion. Patuloy pa niya, "Siguro talagang bigay sa'kin ni God 'to kasi talaga wala naman talaga ako noon. Tapos ngayon napag-aaral ko na yung mga kapatid ko." Inaasahan ng pamilya Tumatayo ring bread winner si Dion sa kaniyang pamilya. Ngayong maayos na ang takbo ng kanyang trabaho, masaya ang aktor dahil nakakangiti na ang kanyang ina. Dating nagtitinda ng ulam ang ina ni Dion noo para matustusan ang kanilang pangangailan. Sa tulong ng pagsisikap ni Dion, napagtapos na niya ang bunsong kapatid sa kursong nursing, habang ang isa pa ay pansamantalang tumigil para magtrabaho sa Saudi Arabia. Mula sa 'bottom 5' to leading man role Hindi naging mabilis at madali ang pag-usad ng career ni Dion bilang aktor. Sa sampung taon ni Dion sa show business, marami itong kinuhang supporting roles bago pinagkatiwalaan na maging leading man sa serye. "Hindi madali. Minsan may show ako tapos naranasan ko na isang taon mabakante, pero hindi naman ako pinapabayaan ng GMA. May binibigay sila sa'king out of town na show so doon ako kumikita ng pera," kwento niya. At bagama't matumal ang trabahong dumadating kay Dion noong nagsisimula siya, hindi nawalan ng pag-asa ang aktor at ipinagdarasal na lamang nitong mabigyan siya ng mga proyekto sa telebisyon at out of town shows. Kwento pa ni Dion, "Kasi parang ngayon dito talaga ako sumasandal sa showbiz, e. Natatakot din ako nong time na yun bakit wala akong shows, saan ako kukuha ng pera— hindi man ako nakapag-college, ako pa rin nagpapa-aral sa mga kapatid ko." "So ang ginawa ko, nagpa-pray lang ako— si God lang talaga tapos ang nangyari nagkaka-show naman ako. Tapos binibigyan ako ng Artist Center ng out of town shows, raket, doon ako kumikita," patuloy niya. Sa ngayon, lubos na nagpapasalamat si Dion dahil tila sinagot ang mga dasal niya— at kasabay ng kanyang mahigit walong taon na paghihintay ay may mga natuklasan siyang bagong technique upang mas pahusayin pa ang kanyang talento sa pag-arte. "Ngayon sobrang swerte ko dahil ngayon, parang yung nangyaring eight years, [naging] training ko para sa show ko ngayon." 
Tags: dionignacio
More Videos
Most Popular