ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Grupong 'Tres Marias,' binuo para isulong ang wikang Filipino sa pamamagitan ng musika


Tatlong babaeng mang-aawit na itinuturing haligi ng musikang Pilipino ang nagsama-sama upang buuin ang grupong "Tres Marias," na ang layunin ay ipaalam sa mga tao ang kagandahan ng sariling wikang Filipino sa pamamagitan ng kanilang awitin.

Ang "Tres Marias" ay binubuo nina Lolita Carbon ng bandang 'Asin,' Cookie Chua ng 'Color It Red,' at si Bayang Barrios ng 'Bagong Lumad,'  ayon sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News TV's State of the Nation nitong Huwebes ng gabi.

Ngayong Agosto ay ginugunita ang Buwan ng Wika kaya naman napapanahon ang unang awitin na binuo ng Tres Marian na may titulong "Wika."

Mensahe ng kanta ang ginagawang maagang pagpapamulat sa mga batang Pinoy sa dayuhang wika na English sa halip na Filipino.

Nakapaloob din sa nabanggit na awitin na hindi lang ang sariling salita ang nawawala kapag kinalimutan natin ang sarili nating wika.

"Ang English 'di naman masama,
'wag lang nating kalimutan ang sariling wika
Ang Filipino ay ating buhayin
At baka hindi lang wika ang ating malibing."



(Uploaded by CurveEnt)

Ayon sa Tres Marias, nais nilang ipamalas ang kagandahan ng wikang Filipino sa mga kabataan na tila mas nagbibigay halaga ngayon sa ibang dayuhang wika.

"Maganda kung ma-express natin yung sarili natin sa sariling wika natin dahil yung ibang Asian countries naman hindi naman talaga sa kanila imporante na magaling kang mag-ingles," ayon kay Cookie.

"Parang sa kanila nga dun mo talaga makikita yung essence ng kanilang nationality," dagdag niya.

Sambit naman ni Bayang Barrios: "Importante kasi na mayroon tayong sariling... kumbaga sariling atin at base ng pagkatao natin."
 
Sinabi pa sa ulat na sa mga darating na araw ay ireremake ng Tres Marias ang iba pang OPM hits at bibigyan nila ng bagong tunog tulad ng Hinahanap-hanap Kita na pinasikat ng "River Maya." -- FRJimenez, GMA News