ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Miyembro ng dating sikat na all-male dance group na Universal Motion Dancers, may malubhang sakit


Talento sa pagkanta at galing sa pagsayaw ang dating puhunan ni Norman Montibon o kilala bilang si Norman Santos ng sikat na all male sing and dance group noong 90s na Universal Motion Dancers (UMD)   Pero ngayon, naglaho na ang lakas at ang dating liksi ng katawan ng 40-anyos na si Norman dahil sa iniindang karamdaman. Mayroon  siyang malubhang sakit sa bato na nadiskubre noong Oktubre ng nakaraang taon.   Kwento niya sa StarTalk TX nitong weekend, "Noong araw na magpapa-check up ako, parang lambot na lambot ako, hindi ako makahinga. Nag-isip, kinabahan [ako], hindi ko alam yung gagawin ko kasi kapag sinabing malala na yung sakit ko, naisip ko agad kung paano ako magsu-survive."   Kasalukuyang nasa Dubai si Norman, ang bansa kung saan ito nagtatrabaho.   Hindi raw kasi ito makapag-trabaho dahil sa tubo na inilagay sa kanyang dibdib. Kaya naman tatlong araw sa isang linggo siya sumasailalim sa dialysis na tumatagal ng apat na oras.   Concert for a cause   Nagsagawa ang ilang kaibigan at dating katrabaho ni Norman ng isang benefit concert na idinaos noong Agosto 2 at pinangalanang "Concert for a Cause for Norman Santos" para makapundar ng pondo sa pagpapagamot nito.   Ayon pa kay James Salas, UMD member, "Hindi lang turing namin parang kapatid, talagang pamilya na 'yan.  Sobrang ano na 'yan,  kumbaga yung bonding namin that time. Sana pagaling ka. Just keep on praying lang dahil si Lord lang makaka-solve ng lahat ng problems natin."   Nagpasalamat naman si Norman sa mga taong bumuo ng event na galing din sa ibang dance group gaya nina Jhong Hilaro, Vhong Navarro, Benjo Madrigal ng Big Shift, at Grace ng Hip to Soul.   "Sa lahat ng mga dancer na nakatrabaho ko, sa lahat ng mga banda na pumunta nang araw na 'yon, maraming maraming salamat po sa inyong tulong. Napakalaking tulong po 'to," ani Norman.   Dahil din sa suportang natanggap, mas lumalakas na ngayon ang kanyang loob na malampasan ang pinagdaraanang pagsubok. Gayundin, gustong-gusto rin daw nitong makauwi sa bansa kung mabibigyan ng pagkakataon.   "Meron sigurong malilipatan diyan na kapag umuwi ako magko-continue yung pagpapagamot ko tapos maoperahan ako, bakit hindi, diba?  Kung ako, gustong-gusto ko na umuwi," saad nito.   Panawagan ni Norman   Samantala, bagama't nahihiya pang sabihin ni Norman, nanawagan ito sa mga tao sa pagnanais niyang mabuhay pa ng mas matagal sa mundo.   "Hindi ko po alam kung paano ko sasabihin, gusto ko pa po mabuhay nang matagal. Gusto kong magpagamot,  sa mga tutulong, salamat po. Nandito lang po ako lalaban para sa inyo," aniya.   Ayon naman kay German "Kuya Germs" Moreno, "Kasi good boy naman. Matulungin din sa kanyang mga mahal sa buhay so sana ay bigyan pa siya ng karagdagang buhay." -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News