Cesar Montano, inakusahan ng panggagahasa ng sariling misis na si Sunshine Cruz
Inireklamo ni Sunshine Cruz ang kaniyang estranged husband na si Cesar Montano ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act sa piskalya sa Quezon City nitong Martes. Kabilang sa bintang ng aktres, pinuwersa siya ng kanyang mister na makipagtalik noong nakaraang Mayo sa pagdiriwang ng Mother's Day. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, iniulat ni Aubrey Carampel na kasama ni Sunshine sa pagsasampa ng reklamo laban kay Cesar ang kanilang ninong sa kasal na si Atty. Bonifacio Alentajan. Basahin: Napabalitang karelasyon ni Cesar Montano na si Krista Miller, nakikipagpaseksihan ba kay Sunshine Cruz? Sa affidavit na isinumite ni Sunshine sa korte, sinabi nito na bukod sa nangyaring "panghahalay" noong Mother's Day, May 12, sinasaktan at pinagsasabihan din daw siya ng masasakit ng aktor. Inireklamo rin ng aktres na hindi ibinabalik ni Cesar ang tatlo nilang anak na pawang babae. Kasabay nito, itinanggi ni Sunshine ang paratang na mayroon siyang boyfriend. Matapos pumutok sa media ang hindi nila pagkakaunawaan ng mag-asawa noong nakaraang Pebrero dahil sa isang baguhang aktres, sinabi ni Sunshine nitong Martes na patuloy pa rin umano ang pagbabae ng kanyang mister. Noong Pebrero, pumutok ang balitang may problema ang mag-asawa dahil sa mga kontrobersyal na litratong nilagay ni Sunshine sa kanyang Instagram account kaugnay ng pambabae umano ng kanyang asawa sa isang baguhang aktres. Dahil sa naturang kontrobersiya, umalis at bumukod ng bahay si Sunshine. Plano umano ngayon ng aktres na ituloy na ang paghahain ng annulment case para mapawalang bisa ang kasal nila ni Cesar. Patuloy naman na sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ni Cesar kaugnay sa paratang ni Sunshine. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News