ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

NBI, may lead na sa nag-upload ng 'private video' nina Chito Miranda at Neri Naig


Muling nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes si Chito Miranda para magsumite ng kanyang sinumpaang salaysay kaugnay sa nag-upload sa internet ng kanilang "private video" ng nobyang si Neri Naig. Sa ulat ni John Consulta sa GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabing makatutulong daw sa imbestigasyon ng NBI ang isinumiteng affidavit ni Chito, lead vocalist ng bandang Parokya ni Edgar. Ayon kay Atty. Ronald Aguto, head ng NBI-Cybercrime Unit, may lead na sila kung sino ang posibleng nag-upload ng video nina Chito at Neri sa internet pero patuloy pa kanilang imbestigasyon. Pero dahil suspindido pa ang implementasyon ng Anti-Cybercrime Act, ang batas na Anti-Photo and Video Voyeurism Act, ang gagamitin ng NBI para mapanagot ang nag-upload sa internet ng video at maging ang mga nagpakalat nito. Sinabi naman ni Chito na desidido siyang maparusahan ang nagpakalat ng kanilang video at ang nagnakaw sa kanyang bahay ng computer hard drive kung saan nakalagay ang kanilang video ng kasintahan. Ipinakita rin ni Chito sa GMA News ang kanyang tattoo sa kaliwang braso kung saan nakasulat ang salitang "Relas, Ok. Lang Yan!!!" na may kaugnayan umano sa pinagdadaanan niya ngayon. - FRJImenez, GMA News