ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Negosyanteng estranged wife ng komedyanteng si Ariel Villasanta, tinambangan sa Q.C.


Tinambangan ng mga hindi pa nakikilalang lalaki ang sasakyan ng negosyanteng si Cristina Decena, estranged wife ng komedyanteng si Ariel Villasanta at dati ring naugnay kay Philip Salvador. Bagaman hindi nasaktan si Decena, nasugatan naman ang kaniyang kasambahay na kasama rin sa sasakyan na si Helen Felesco. Sa ulat ng GMA News TV QRT nitong Miyerkules, sinabing sakay ng Starex van si Decena, kasama rin ang anak na si Danilo, at binabagtas nila ang Banawe St. nang dikitan sila ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at saka sila pinagbabaril. Nasugatan mula sa mga tumalsik na bubog ng salamin ng sasakyan si Felesco, habang hindi naman nasaktan sina Decena at Danilo na siyang nagmamaneho ng Starex van. Kaagad na dinala ang kasambahay ni Decena sa ospital. Basahin: Joey De Leon's cousin Ariel Villasanta marries Phillip Salvador's ex Cristina Decena Tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril sakay ng ibang sasakyan matapos magkaaberya ang kanilang motorsiklo. Sa imbestigasyon, lumitaw na ang naiwang Yamaha motorcycle ng mga suspek na may plate number HI12O6 ay nakapangalan sa isang Joy Villanueva mula sa Catarman, Samar, at huling inirehistro noong pang 2005. Ilang beses ikinasal sina Decena at  Ariel (mas kilala sa comedy duo na "Maverick and Ariel") noong 2010 pero naghiwalay din sila pagkaraan ng may dalawang taon na pagsasama. Sinabi ng dalawa na naging maayos naman ang kanilang paghihiwalay. -- FRJ, GMA News